Sa Mga Sireyna
Buhay na buhay ang tanghali sa Eat Bulaga. Sa loob ng 39 taon ng palabas, masasabi na itong ‘institusyon’ sa industriya ng Philippine show business. Dahil sa pagiging variety show nito sa oras kung saan nanananghalian ang karamihan sa mga manonood (na malamang ay pagod sa kalahating araw na trabaho at kailangang maaliw upang mapanatili ang katinuan sa susunod na kalahating araw), natural lang na makakita ng samu’t saring segments na ang layunin ay ‘pasayahin’ ang mga manonood. Isa na sa mga tampok at marahil ay inaabangang bahagi ay ang Super Sireyna at Suffer Sireyna, lalo na sa panahon ngayon kung saan ‘di na maitatanggi ang presensya ng mga kababayan nating kabilang sa LGBTQIA na sektor. Tiyak na matatawa at matutuwa ka nga sa nasabing mga segments. Marahil ay isa sa layunin nito, sa isang psychological na pamamaraan, ang patuloy na pagpapakilala sa mga ‘bakla’ o ‘bading’ sa masa upang mas maintindihan at tanggapin kaysa husgahan o alipustahin dahil sa kakulangan ng kaalaman ng mga tao patungkol sa kanila. Isa pa, nagbibigay ito marahil ng isang avenue upang mapalabas ang kanilang galing, talino at talento, na sa matagal na panahon ay binalewala ng isang lipunang galit sa kanila. Ngunit ang tanong ay bakit may Super at Suffer? Ano ang dahilan sa likod ng paghahati sa dalawang Sireyna? Ang konsepto ng parlor gay, mula sa artikulo ni Leloy Claudio, ay maaring magbigay liwanag sa class divisions ng dalawang grupo ng sireyna. May isang maganda, high class, mala-babae ang hitsura, matalino, magaling at kanais-nais, at may isa namang bakya, pangit, ‘di pinagpala, pangkalsada, at walang class. Lahat ng ito ay kargado ng mga stereotypes at isang pamamaraan upang lumikha ng tinatawag na the Other. Kakaiba ang tingin sa mga baklang parlorista sapagkat itinuturing silang balakid sa higit na pagkamit ng LGBTQIA civil rights sapagkat ayon sa mga westernized ‘modern’ gays, ang kanilang kabaklaan ay kabaklaan na ‘di madaling tanggapin ng mga Pilipino. Kaya naman, sabi ni Claudio, nagiging mali ang paglaban sa diskriminasyon sapagkat ‘diskriminasyon’ din ang ginagamit para makuha ang pagkakapantay na nais. Sa aking punto, malinaw na ang maka-uring interes pa rin ang nangingibabaw - ang pagiging accepted na bakla, kung saan hindi ka pinagtatawanan, ay naka-angkla sa yaman at kakayanang maabot ang mataas na kalagayan (oppressor position). Sa aking palagay, ang segment ay isang manipestasyon din ng lalo pang pagkamal sa tubo. Gagamitin ang mga super para itampok ang ‘ganda’ at ‘natatanging’ mga bading (para i-cater ang mga viewers from upper class), habang kailangan din namang isama sa palabas ang mga ‘suffer’ dahil sila ay pangmasa at ‘nakakatawa’. Sa gayon, balansyado ang programa. Maging sa hosting ay halata ito: sa Super Sireyna, si Ryan Agoncillo ang host i.e. may tikas, English-speaking, habang sa Suffer Sireyna, sina Jose, Wally, at Paolo, pawang nang-o-okray ng mga bading sa tanghaling tapat. Bilang pangwakas, masasabing ang paghahati ng Sireyna ay labis na kinakailangan ng network at ng programa para kumita pa. Samantalang ang tunay na pagkilala sa bading o bakla ay nahahadlangan sa kung sino ang maganda o pangit; mayaman o mahirap, malayo sa tunay nilang pinaglalaban.












