SOCIAL THEORY: Its Uses and Pleasures, Charles Lemert. Social Theory, Multicultural and Classic Readings, Westview Press, 1993
Ang tekstong ito ay tungkol sa kaligiran ng Sociology o sa tagalog ay Sosyolohiya. Maaring marami sa atin ang hindi pamilyar sa kasaysayan at mga kaganapan noon kung ano, bakit at paano nabuo ang konseptong ‘Sociology.’ Mahalaga na ating matalakay, mapag-usapan at mabalikang tanaw ang kasaysayan ng Sosyolohiya, sapagkat maari nitong malinang ang ating kaisipang panlipunan. Ayon sa isang guro ng social studies mula sa Navotas High School, ang kasaysayan ay pagsusuring ulat o salaysay ng mga pangyayaring naganap sa iba’t ibang panahon. Mula rito, masasabi natin na ito ay mga ‘records’ tungkol sa isang nasyon, bayan, lipunan na nagmula rin sa mga dokumentong nakasulat. Sa mga ‘records’ na ito ay nakapaloob ang iba’t ibang kwento ng bansa o isang lipunan tulad ng mga kabuhayan na mayroon rito, pulitika o mga kilalang personalidad, heograpiya at marami pang iba. Sabi nga ng aking Guro noon sa Readings in the Philippine History, ang kasaysayan daw ay isang klase ng salaysay na may saysay. Kung ating iisipin, masasabi natin na ang kasaysayan ang pinagmumulan ng mga impormasyon o kaalaman at kung minsan ay maaring magpaliwanag sa atin ng mga kaganapan sa panahong kasalukuyan. Bakit nga ba ito mahalaga? Bukod sa ito ay mahalaga sapagkat isa ito sa nagbibigay sa atin ng identipikasyon, parte ng buhay natin o ng lipunang ating kinabibilangan ang mga nangyari sa ating kasaysayan. Hindi ba marapat na alam natin ang mga pangyayaring nagdaan upang tayo ay matuto mula sa mga ito? Ayon sa website ng Unyonpedia, ang sosyolohiya o dalubulnungan ay ang pag-aaral ng mga alituntunin ng lipunan at mga proseso na binibigkis at hinihiwalay ang mga tao hindi lamang bilang mga indibiduwal kundi bilang kasapi ng mga asosasyon, grupo, at institusyon. Mula rito masasabi na ang sosyolohiya ay isang pag-aaral sa mga kaganapan ng isang lipunan at mga kasapi nityo. Upang ating lubusang maintindihan ang konspeto ng Sosyolohiya, kinakailangan na malaman natin ang kasaysayan nito. Nais kong ipakilala sa inyo si Auguste Comte (1798–1857), isang pranses na kinilala bilang ama ng Sosyolohiya. Siya ang tinaguring ama ng disiplinang ito, sapagkat siya ang kauna unahang ‘social thinker’ na gumamit ng terminong “Sociology” sa kaniyang pag-aaral noong 1838. Ayon sa kaniya, ang isang lipunan (society) ay nalilinang at nagbabago batay sa tatlong yugto ng pag-iisip: (1) theological - base sa mga ‘supernatural’ na pangyayari (man take over nature); (2) metaphysical – nakabatay sa mga ‘natural’ na pangyayari (religious manner) at (3) scientific/positivism – batay sa siyensya (modern state/physical world). Sinabi rin ni Auguste Comte na kinakailangan sa isang lipunan ang matalinong pag-iisip batay sa mga katotohanan o katibayan mula reyalidad ng isang pangyayari upang masolusyonan ang mga problema nito. Naniniwala siya, na upang makamit ang isang “ideal” na lipunan marapat na ang mga taong bumubuo rito ay nasa yugto ng pag-iisip ng siyentipiko (or the concept of Positivism). Ang pag-usbong ng pagkakaroon ng konspeto ng Sociology ay nagsimula noong Dark Ages kung saan ang mga namumuno sa “lipunan” ay ang simbahan. Bukod rito, noong panahon na iyon ay umiiral ang Monarchy-type of Government (Setting: West). Ang mga nabanggit na namumuno noon ay nagsilbing piring sa isip ng mga tao sapagkat kinontrol nila ang mga ito at hindi manlang binigyan ng pagkakataon na maipahayag ang kanilang nararamdaman. Noong kalagitnaan ng 1600s at 1700s, umusbong ang tinatawag na Age of Enlightenment. Sa panahong ito ay unti unting namumulat ang mga mamamayan na nagiging balakid para sa kanilang ikauunlad ang sistema ng gobyerno. Sila ay unti unting natututo na isiping mabuti ang reyalidad sa kanilang kalagayang sosyal. Ang panahong ito ay nasundan ng French Revolution noong 1789. Ito ay isang madugong labanan sa pagitan ng mga peasants at merchants laban sa gobyerno. Nagkaroon ng ganitong pangyayari sapagkat unti unti ng namumulat ang mga indibidwal sa mga pang abusong idinudulot ng gobyerno sa kanila. Kasunod nito ay ang Industrial Revolution noong Mid 1700s-1800s, dito ay nagsimula na ang pagkakaroon ng mga pagbabago sa agrikultura at pag-unlad ng teknolohiya. Ito ay nagsimula sa England, patungo sa western Europe, America, Canada at umabot pa sa Japan. At sa huli, naipasok sa mga sumunod na panahon ang mga Relihiyosong paniniwala at gawain. Ginamit ng simbahan ang siyensya at pag-unlad ng mga teknlohiya upang mapatunayan na mahalaga pa rin sila sa isang nasyon. Isa rin sa dapat maintindihan natin ay kung ano ba ang mga nangyari matapos ang Dark Ages. Paglipas ng maraming taon, dahil sa mga pangyayaring nabanggit, nagkaroon na ng kaalaman ang mga tao ukol sa lipunan. Nagkaroon ng tinatawag na “School of Thoughts.” Kabilang dito ay ang tinatawag na Classical Romanticism. Dito nabibilang ang mga taong ayaw nang pagbabago. Ayon sa kanila, mas epektibo ang pamamahala ng isang Hari o kay naman ay Reyna. Naniniwala sila na ang pagkakaroon ng rebolusyon ay isang malaking pagkakamali. Ikalawa, kung saan nabibilang si Auguste Comte ay ang Conservative Romanticism, dito naniniwala ang mga tao na isang pagkakamali ang rebolusyon ngunit hindi sila sumasang-ayon na kinakailangan ibalik ang klase ng pamamahala noon. Ang mga kasapi ng Conservative Romanticism ay nagpapalaganap ng kaalaman na dapat ay tanggapin ng mga mamamayan ang sistemang mayroon ang isang lipunan. Ikatlo, kung saan nabibilang sina Karl Marx at Max Weber, ay ang Progressive way of thinking. Dito, pinaniniwalaan na kinakailangan ang lubusang pagbabago sa isang lipunan.Mahalagang maintindihan ng bawat isa sa atin konspeto ng Sosyolohiya sapagkat ito ang magiging daan upang tayo ay matuto at makakilos ng ayon sa ‘dapat’ nating gawin upang makamit ang hinahangad nating kalagayan ng isang lipunan na ating kinabibilingan. Sa paglinang ng ating isip upang maunawaan ang itsura ng ating lipunan sa ngayon ay kinakailangang taglayin ng bawat isa sa atin sapagkat tayo ang kumikilos at bumubuo para sa ating lipunan. Tayo bilang mamamayan at miyembro nito ay dapat na maging responsible sa pagpapaunlad nito hindi lamang para sa ikabubuti natin kundi para rin sa ikabubuti ng mga susunod pang henerasyon. Sa aking pananaw, masasabi ko na naniniwala ako sa konsepto ni Auguste Comte na malaking tulong ang pagkakaroon ng siyentipikong pag-iisip kung saan kinakailangan nating ibatay sa reyalidad ng lipunang ating kinabibilangan ang ating matalinong pang-unawa at pagbuo ng ating mga pananaw at prinsipyo. Kung sa usaping relihiyon naman, nais ko lamang ipabatid sa lahat, na maaring mahirap na mabago ang mga paniniwala ng bawat isa sa atin. Hindi natin dapat gawing layunin na ipagpilitan na pairalin ng lahat ang “Scientific Stage of Thinking.” Kaya naman, tayo bilang isang mabuting kasapi ng isang lipunan, marapat na matuto tayong magbigay respeto sa mga pananaw at paniniwala ng mga taong ating nakakasalamuha.