dumating na ako sa point na naniniwala akong dadating AT mananatili ang taong nakatakda para sa'yo.
oo mamahalin kita habang nasa akin ka. sa paraang alam ko - mabagal pero totoo. maglalakad ako patungo sa'yo na ang mga mata'y hindi lumilingon saan man (hinay-hinay lang din ang mga hakbang kasi natinik na ako ng malalim dati), kikitain ka sa gitna at hahawak ng mahigpit - para alam mo na wala akong ibang pupuntahan kung hindi dito. dito lang sa tabi at laging kasama mo, hanggang sa ikaw na ang bumitaw.
pero, kung sa bagal ng paglalakad ko ay mainip ka at hindi mo ako mahintay, o may dumaan at nakuha ang atensyon mo sapat para sa kanya ka sumama.. tandaan mong hindi kita hahabulin. ni hindi kita tatawagan upang bumalik.
naniniwala akong binubuo ng mga kwento ang buhay natin - at kung matatapos tayo sa isang blankong pahina, sa ellipses or maging sa tuldok man, pipiliin ko nang humanap ng ibang libro, ilipat ang pahina o lumipat na sa susunod na chapter kesa intayin ka o ang concept ng tayo.
ngayon ko pa lang natututunan na mahalin ang sarili ko - sa paraang minsan nakakapangulila din naman. pero ngayon ko lang din kasi nakilala ang sarili ko ng ganito. masaya. liberating. ako yung nagrerebelde sa dating version ng ako para sa pagbabago. galing diba?
kaya kung dumating ang panahon na magkasalubong tayo, o sakaling magmabagal ka din at magpang-abot, o may makasabay ako sa daan na mabagal din maglakad, yung chill at hindi ganun kadaling nakukuha ng iba ang atensyon - magpapasalamat ako ng sobra sa nasa taas.
kasi yun, hindi pinilit. baka nga tinadhana pa - oo naniniwala pa din naman ako sa ganun. papahalagahan ko 'to. ang ikaw at ang tayo. hindi ako expert pagdating sa relasyon - ako pa nga yung hindi man lang maka-level up ng matindi. haha. pero hanggang kaya mo akong hintayin, kausapin, pagpaliwanagan, itolerate ang kakulitan at minsan weird kong thoughts, pati na ang siguradong minsan pagiging overly clingy ko sa'yo, makakaasa kang makukuha mo ako - buong buo at walang pag-aalinlangan.
hanggang sa katapusan ng kwento natin - kung darating man.