sa pagmulat ng mga mata,
sa pagbangon sa umaga,
kumusta ka?
kaya pa ba?
papasok na ng maaga
handa nang harapin ang bagong umaga
pero bakit parang napipilitan ka na lang talaga?
'Yang matamis na ngiti sa labi mo, totoo ba?
makikipag-biruan
makikipagtawanan
pero bakit sa mga halakhak mo,
parang may sumisigaw ng saklolo?
Uuwi kang gabi na
sa wakas, makakapagpahinga!
pero bakit tila pagod ka na para bukas?
para bang gusto mo na lang makatakas?
sa pagpikit ng mga mata
tumulo na nga ang mga luha
dinadalanging sana'y wala nang bukas
pero kaibigan, hindi pa ito ang wakas.
nakakapagod na nakakalungkot
nakakainis na nakakatakot
pero teka, hindi mo na kailangang magpanggap
nandito naman akong uunawa't sayo ay tatanggap
siguro nga't hindi kita lubos na mauunawaan
pero nandito lang ako't ika'y pakikinggan
hindi mo na kailangang sarilihin ang bigat
asahan mong tutulungan kita, sabay tayong magbubuhat
walang kwenta, mahina, yan ka sa tingin mo
malakas, matapang, yan ka sa mata ko
mga kalabang hindi maaninag, pilit mong nilalabanan
babangon at babangon, ang pagod man ika'y dapuan
sa bagong umaga, muling imulat ang mga mata
ngayon, makakasama mo na ako sa giyera
kung inaanod ka na ng luha mula sa'yong mga mata
kapit ka lang, tutulungan kitang umahon sa agos ng problema
kaya kaibigan, kung hindi mo na kinakaya,
nandito lang ako, kakayanin nating dalawa
kung pakiramdam mong ika'y nag-iisa
nagkakamali ka dahil sa'kin, may kasangga ka.
- JULLIAN CASPE














