Gusto kong malaman, ayokong tanungin.
Ewan ko, bigla kitang namiss kaninang paggising ko sa umaga. Siguro dahil na rin sa panaginip kaya ganun. Namimiss mo kaya ako? Gusto kong malaman, ayokong tanungin. Pero paano ko malalaman kung hindi ko tatanungin? Eh 'di ipatanong sa iba. Hahaha.
Habang inaalala ko 'yung panaginip ko kanina, inaalala ko rin 'yung mga nangyari noon - 'yung meron sa atin, 'yung mga ginagawa natin 'pag magkasama tayo sa school o kahit saan pa 'yan, 'yung mga kalokohan na binabahagi natin sa bawat isa, 'yung tawagan natin, lahat. Nami(mi)ss ko 'yun lahat.
Nakakatawang nakakainis na nakakalungkot lang kasi dahil sa nararamdaman ng isa o bawat isa, lahat ay biglang nagbago hanggang sa tuluyan na tayong magka-ilangan. Nakakatawa kasi hindi ko rin naman inexpect na aabot tayo sa isang bagay na hindi ko inakalang mangyayari pala 'yun, 'yung sitwasyong biru-biruan lang sa una at habang tumatagal ay nagiging seryoso na. Hinayaan lang natin masira ng nararamdaman natin sa isa't-isa ang mga bagay na meron at nagpapadugtong sa ating dalawa. Nakakainis kasi sana hindi na lang nangyari 'yun. Nakakalungkot kasi ang hirap nang ibalik ang lahat ng dati dahil sira na nga. At dahil sa pareho tayong ma-pride, walang may gustong ibalik ang dati dahil ito ay nasira na nga.
Ngayon nga, parang nagkakaiwasan na - 'yung bihirang pag-uusap ay unti-unti nang napupunta sa wala - para bang papunta na tayo sa konsepto ng estranghero. Sana ay makita na ulit kita at ang barkada sa lalong madaling panahon. Namimiss na kita, kayo.
Salamat dahil nagparamdam ka ulit, kahit sa panaginip lang.














