Sulat Para sa Tagapamalahang Pangkalahatan
Mahal na Ka. Eduardo V. Manalo,
Purihin ang Panginoong Dios dahil buhay pa tayo’t may lakas. Hindi naman na kaila sa aming mga kapatid ang suliraning bumabalot sa loob ng Iglesia ngayon. Nakapanlulumo lang po na nung mag Webex po kayo imbis na makita namin sa puso ninyo ang compassion, pride at pangungutya pa po ang narinig namin na ginawa ninyo sa sarili po ninyo ka pamilya. Naintindihan po namin ang inyong response na ang Iglesia ay di family corporation kundi religion. Tulad po ng mga itinatagubilin ninyo sa aming mga maytungkulin, ang pamilya ang isa sa pinakaimportanteng unit ng isang bayan dahil sa pamilya nabubuo mismo ang values, kultura at spriritual maturity ng bawat miyembro mula sa mga magulang hanggang sa mga anak.
Kabilang din po ako sa isang pamilya ngunit hindi nagkapalad maging isang mapayapa at masayang pamilya. Lahat po ng buong sambahayan namin ay Iglesia at inihandog din po ako sa Iglesia at naging masiglang kaanib. Sa kasawiang palad po ay nasira ang relasyon ng aking ama’t ina at naging involve ang mga tiyahin, tiyuhin, pinsan at iba pang kamag-anakan namin sa parehong side para lalong masira ang relasyon ng aking mga magulang. Dumating pa nga po sa puntong di kinaya ng pastor sa lokal ang aming suliranin at pinakausap kami kay Ka. Dan V. Orosa. Hindi pa din po naayos ang kanilang relasyon at ngayon kahit na kasal sila sa loob ng Iglesia ay may kani-kaniya na silang bagong kinakasama.
Pinaglaban ko po ang mga kapatid ko at mga magulang ko sa iba naming mga kamag-anak na nakikisali sa alitan ng magasawa ngunit nabigo po ako dahil sinaktan nila ako physically, mentally at emotionally. Wala po akong kakampi noon at akala ko po ay masisiraan na ako ng bait sa panggigipit,panlalait at pananakit na ginawa sa akin ng aking mismong mga kamaganak na kaanib at mga maytungkulin pa sa Iglesia.
Lumipas ang ilang mga taon, sariwa pa din sa aking alaala ang sakit at pangaapi na idinulot sa akin ng aking mga kamag-anak/ kapatid sa Iglesia. Naiiyak pa din po ako pag naaalala ko po ang mga masasakit sa salita at pisikal na pananakit na ginawa nila sa akin na parang kahapon lang nangyari subalit dumating po ako sa punto na sobra na akong nang nasasaktan. Pinanalangin at iniluhod ko po iyon sa Ama. Nabasa ko po sa biblia na mismong ang Panginoong Hesus na ang nagsabi na kailangan mong patawarin ang iyong kapatid na nagkasala sa iyo ng maraming beses. Mateo 18:22. Ito din po ay itinuturo ninyo sa doktrina at pagsamba. Dumating po ako sa punto na gustong maghiganti sa mga nangapi, nanlait at nanakit sa akin ngunit binagabag po ako ng aking puso at konsensiya. Alam ko po na di malulugod ang Panginoong Diyos sa ganung gawain at di ako magmamana ng buhay na walang hanggan kung gawin ko iyon.
Hindi pa po sila humihingi ng tawad sa akin pero napatawad ko na po sila at handa ko po silang kausapin kung kelan sila ay handa na. Nagkasala din naman po ako sa kanila dahil alam kong di ako perpektong tao at umaasa na mapatwad din nila ako. Sino ba ako para di magpatawad? kung ang Panginoong Dios nga ay di nagdadalawang isip na patawarin ako sa lahat ng pagkakasala ko araw araw then sino ba ako para di magpakumbaba at magpatawad?
Alam ko po ako ay isa lang karaniwang tao na walang mataas na gampanin at kapangyarihan tulad ninyo. Nakakapanlumo lang na nagmamakaawa nang makipagusap sa inyo ang inyong mga kapamilya ngunit nagkikibit balikat pa din kayo. Alam ko po na di ko na kailangang mag sitas ng biblia dahil malamang memoryado nyo pa po ang biblia pero gusto ko lang po na ipaalala ang nakasulat sa Mateo 20:28 “Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.” Kung ang Panginoong Hesus mismo ay naglingkod sa kaniyang kawan, ano pa kaya tayong nasa kawan? “A Great Leader is a Great Follower” at kung di po ninyo kayang kausapin ang inyong kapamilya at magpatawad, mas mabuting tanggalin nyo na lang po sa doktrina ang pagiibigang magkakapatid lalo na po kung exempted pala ang namamahala at mga namamahala sa Iglesia. Wala pong paglapastangan sa aking puso at sana malinaw po sa inyo na wala din pong paglaban sa pamamahala at galit man sa aking puso. Mahal ko po kayo at ang Iglesia kaya naglakas loob po akong isulat ito kahit na alam kong kukutyain po ako ng mga ministro, manggagawa at mga kapatid. Panalangin ko po ay sna mabasa po ninyo itong aking liham.
Ang Inyong Kapatid sa Panginoon,