Nang makita kita, mata'y binigyan ng saya
Larawan ng aking mukha'y hindi maipinta
Sa kagalakang nararamdaman sa tuwing ika'y nakikita
Na s'yang nagbibigay kulay sa aking umaga
Hindi ordinaryong araw sa tuwing magkatagpo
Nakabihis pormal na nakabibigay respeto
Pinag-ukolan ng panahon sa paghanda sa oras na ito
Na s'yang dahilan sa pagbuo ng pagkatao
Hindi nagtagal nagsimulang makaramdam ng kaba,
Nang naging malalim ang ating pagsasama
Na s'yang puno't dulo sa ugaling nahihiya
At naguguluhan kung ano ang dapat ipapakita
Ngunit hindi natataranta anuman ang sitwasyon
Dahil alam sa sarili na hindi pa ito ang panahon
May mga bagay pa na unang isasaayon
Ito ay ang pag-aaral na syang pinag-ukulan ng atensyon
Ang pag-ibig man ay hindi isang paligsahan
Paramihan ng napa-oo ay isang kamalian
Kailangan ng katotohanan para sa iyong kinabukasan
Dahil ikaw ang haharap sa iyong napiling daan
Kaya hayaan mo, huwag kang mangamba
Dahil handa ang sarili kong hintayin ka
Hanggang sa panahon na inilaan sa atin ng Ama
At sa panahon na nararapat sa ating dalawa