PARANG WALANG KONTRADIKSYON sa madilim na loob ng Gateway Cineplex Cinema 6. Ang tanging nagtutunggalian lamang ay ang kanilang mga brasong ‘di magkamayaw sa pagsayaw. Umiindak sa tiyempong dikta ng kanilang mga puso. Tila may sariling buhay ang mga ito, may sariling isip, karugtong ng kanilang damdamin. Taimtim na dumadausdos ang malalamig na daliri sa balat ng isa’t isa, sinusubukang hubarin ang lagablab na bumabalot sa kanilang mga katawan, parang mga yelong mabagal na dumadausdos sa mainit na aspalto. Unti-unti namang tinutunaw ng maligamgam na singaw ng pagbubulungan ang kanilang makamundong alaala’t kamalayan. At imbis na tingnan ang palabas sa kanilang harapan, pinanood na lang nila kung paano humahawa ang liwanag, mga serye ng gumagalaw na imahe, sa mga mata ng isa’t isa, doon ay natagpuan nila ang tahanan, matagal na nilang hinahanap, at naligaw. Bakit nga ba sila narito? Ano nga ba ‘tong pinapanood nila? Saan sila nanggaling? Saan sila papunta? Hindi na sila sigurado o hindi pa sila sigurado. Pero kung may tiyak man, noong mga oras na iyon, ito ang kawalan ng espasyo sa pagitan ng kanilang mga pisngi, ang malambot na kiskisan, siksikan ng kanilang mga bisig, pag-iral ng kambal na kaligayahan sa kalagitnaan ng kaguluhan—sila’y iisa.
Binasag ng dilaw na ilaw ang kanilang imahinadong insureksyon. Tapos na ang palabas. Paglabas, nakangiti, mahigpit na magkahawak-kamay. Kasabay ang iba pa, sila’y bumaba, pabalik sa impyerno, handang bumitaw sa isa’t isa anumang oras, handang humarap sa paparating na mga kontradiksyon.













