Wala nang mas direkta pang pahayag mula sa Diyos tungkol sa diborsyo. “Kinamumuhian ko ang diborsyo,” sabi ng Panginoon, dahil ayon sa kanya, ito ay isang uri ng karahasan. Winawasak nito ang dalawang taong pinagbuklod ng Diyos at ang pamilyang itinatag nila. Mula mismo kay Jesucristo—ang Diyos na nagkatawang tao—ay narinig natin, “Kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.” Sinabi rin niya, “Huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.”
Ang nangangatwiran para salungatin ang pahayag ng Diyos ay humahamak sa karunungan ng Diyos, habang inilalagay ang sarili sa lugar na hindi para sa kanya. Kahit kailan, at sa kahit anong dahilan, ay hindi magiging makatwiran ang pagdidiborsyo. Ito ay karahasan laban sa bawat myembro ng pamilya, at nakaaapekto ito sa lipunan. Inilalagay nito ang mag-asawa sa okasyon ng pagkakasala, dahil sinuman sa kanila ang magpakasal muli o makisama sa iba ay namumuhay sa kasalanan. Ipinapasa rin nito sa mga anak ang kaisipan na ang hindi pagkakasundo ay dapat remedyohan sa pinakamadaling paraan, sa halip na hanapan ng totoong solusyon. Sinasabi nito na sinungaling at imposible ang Diyos dahil hindi makatotohanan ang hinihingi niya sa tao. Ang totoo, walang pumipilit sa isang tao para magpakasal; pero kung pagkatapos niyang ipangako sa katipan na mananatili silang isa hanggang paghiwalayin ng kamatayan, ay hangarin niyang lusawin ang bigkis ng pagkakaisa, ipinakikita nito ang kanyang pamumuhay sa kasinungalingan. “Let your yes be yes, and your no be no.” Kung hindi mo kayang tumupad ng pangako, huwag kang mangako, pero huwag mo rin hangarin ang mga bagay na para lamang sa mga taong may kakayahang mangako at tumupad nito. Ang pangako ng kasal ay sineselyuhan ng mga salitang, “…hanggang paghiwalayin tayo ng kamatayan,” hindi “…hanggang paghiwalayin tayo ng divorce bill.”
Walang karapatan ang gobyerno na gumawa ng batas na salungat sa kalikasan, sa kabutihang panlipunan, at sa moralidad ng mamamayan. Ang lahat ng autoridad ay galing sa Diyos, at hindi dapat gamitin laban sa batas ng Diyos. Kung ako ang tatanungin, hindi dapat hayaang magpatuloy ang isang uri ng gobyernong walang kinikilalang autoridad maliban sa kanyang sarili, walang paggalang sa kanyang nasasakupan, at lapastangan sa totoong pinagmulan ng kanyang kapangyarihan.
“Sa Panginoon ang lupa’t kabuuan nito,
ang daigdig at mga mamamayan dito
pagkat sa ibabaw ng mga dagat, siya ang naglatag nito;
at sa mga ilog ay nagpatatag dito.”