FX Passenger Seating Guide
Isa na siguro sa pinakacommon na mode of transportation na nasasakyan nating mga karaniwang empleyado ay ang FX. UV Express na ata ang tawag sa kanila ngayon pero pagka kasi sinabing UV Express e kasama na ren yung mga malalaking van. So para sa post na ito e FX lang ang ating pagusapan. Ang 10-seater na AUV na kadalasan ay Isuzu Crosswind o di kaya Mitsubishi Adventure.
Disclaimer: Hindi kasama sa guide na ito ang possibleng pwestuhan ng mga holdaper sa kadahilanang gusto kong isipin na nasa ideal world tayo at walang nanghoholdap at ang tanging poproblemahin na lang naten ay ang mahabang pila sa sakayan. Isa pa e nagiiba ren kasi yan depende sa dami ng manghoholdap at oras ng holdapan. Minsan pati driver kasabwat pa. Pero alam naman naten na wala tayo sa ideal world at alam din naten na kung may manghoholdap man ay dun siya/sila pupwesto sa may pinto kung saan macocorner nila ang biktima nila. Maging mapagmatyag na lang sa mga katabi at bumaba na lang agad kung alanganin ang pakiramdam mo sa katabi mo.
Front Row: Dalawang pasahero ang makakasakay. Karaniwang mas malamig dahil sa aircon sa harap. Preferred seat ng mga pasaherong hindi sigurado ang bababaan at kailangang makita ang mga landmarks sa daan. Komportable ang upo depende sa makakatabi. Medyo nakatagilid na nga lang ang upo ng katabi ng driver para hindi sagabal sa kambyo. At kaya naman mataas ang tyansang mahipuan ni manong driver ng hindi sinasadya ang hita ng katabi nito tuwing kakambyo. Hindi ren hassle ang magbayad dahil katabi lang ang driver.
Middle Row: Apat na pasahero ang required kahit in paper e pang tatlong pasareho lang talaga ito. Mabilis mapuno kung tatlong magkakabarkada agad ang sasakay. Pinakakomportable ang upo sa dulo sa likod ng driver dahil hindi gaanong obligadong umusod para makasakay yung huling pasahero sa kabilang dulo. Yung dalawang pwesto sa gitna ang pwedeng mag alternate ng pagaabot ng bayad mula sa back seat row. Kadalasang kung sino na ang nagabot ng unang bayad ay mataas ang tyansang sya na ren ang magaabot ng lahat ng bayad (at magabot na ren nung sukli). Kadalasan ang pinaka hindi komportable ay yung dalawa sa kaliwa dahil kailangang makakuha sila ng kompromisong posisyon para magkasya silang dalawa kaya ren naman ito ang pinakahuling maupuan. Itinuturing na “Bayani ng Byahe” ang sinumang umupo dito lalo na kung may bakanteng FX naman na nakasunod sa pila dahil pinili nyang sumakay dito kahit alam nyang hindi komportable para lang maka larga na ang FX. Or pwede ring nagmamadali lang sya. May dagdag na hassle sa mga pasaherong nasa gilid kung saan nakaharap ang araw lalo na kung walang tint or anumang pangharang sa init.
Back Seat Row: PInakamaluwag na pwesto sa FX. Ideal na pwestuhan ng mga pasaherong plus size, ng mga magkasintahang naglalampungan, or ng magtotropang magkukwentuhan. Medyo hassle magbayad lalo na kung bingi yung driver o kung walang pakialam kung nasa middle row na kahit nasa pisngi na nila yung palad mo e ayaw pa ren magabot ng bayad (pero eventually may bibigay ren at aabutin ito).
Sa lahat ng pwesto e mas sumisikip pag Adventure ang nasakyan. Generally mas maluwag sa Crosswind, magtagtag nga lang. Wala namang pinapaborang modelo pagdating sa aircon, nakadepende na lang kung gano kaayos ang maintenance ng sasakyan. Ang swabeness (measure of how swabe) naman ng byahe, tulad ng anumang mode of transportation, ay nakasalalay pa ren sa driving skills ng driver at kundisyon ng sasakyan.











