Book 2 Chapter I: Longing...
Minsan, naiinis ako sa sarili ko dahil may mga bagay na alam kong tama ako but in the end, ako pa rin ang lumalabas na mali dahil wala akong lakas para i-defend ang sarili ko lalo na sa mga taong ayaw ko naman talaga maging kaaway o kagalit man lang.
Marahil, baliw ang tingin sa akin ng iba dahil may mga bagay sa pagkatao ko na mahirap intindihin pero hindi sa lahat ng oras ay sila ang tama at ako ang mali.
May isang bagay akong labis na pinakaiingatan. Minsan na itong nasira ngunit dahil sa labis na pagpapahalaga ko rito, pinilit ko itong buuin. Sa pagbuo ko rito, unti-unti akong nasugatan. Hindi ko pinansin ang sakit noong una hanggang sa magdulot ito ng mas malaking sugat na naging dahilan ng tuluyan kong pagbitaw dito. Sabi nga nila, ang isang bagay na nasira na, mabuo man muli, masisira at masisira pa rin.
Mahirap maging tao sa totoo lang lalo na kung mabubuhay ka ng katulad ko sa isang mundo na lahat ay tama at ako lamang ang mali. Hindi mo alam kung saan ka lulugar. Kapag nagpapaka-totoo ka, masama ka pero kapag hindi, masama ka pa rin. Ang gulo-gulo ng buhay. Nakakalito.
Marami akong pinahalagahan ngunit marami rin ang umalis. Hindi ko man maintindihan ang mga dahilan nila, unti-unti ko na ring natanggap. Masakit man noong una pero nasanay rin ako. Inisip ko na lamang na kailangan kong respetuhin anuman ang mga desisyon at dahilan nila. Dahil hindi ko naman sila maaaring pilitin sa mga bagay na ako lang ang may gusto. Hindi ako makasarili.
Kung sana'y binigyan lamang ako Diyos ng pagkakataon na makapili ng sarili kong katauhan, hinding-hindi ko pipiliin ang katauhan ko ngayon. Dahil ang hirap-hirap mabuhay sa mundo nang may ganitong katauhan at nakaraan. May nakakaintindi man sa iyo, mas marami naman ang hindi.
Naisip kong isulat ito sa web blog ko dahil gusto ko nang mabuhay bilang ako na hindi kailangan magtago para sa iba. May makabasa man nito o wala, wala akong pakialam dahil wala din namang umiintindi sa mga sinasabi ko. Walang nagpapahalaga.
Ayoko nang maghintay sa mga taong hindi na darating. Ayoko nang umasa sa mga taong hindi mo maasahan sa oras na kailangan mo sila. At ayoko nang mabuhay na kinakailangan mong baguhin ang sarili mo para sa ibang tao.














