kisapmata
Paunti-unti kong dinilat ang mga matang halos barado pa ng muta dahil sa sarap ng tulog sa kamang napakalambot at ramdam ang init ng leeg ng nakadantay sa aking bisig. Nang maidilat ko ito hindi ko alam kung tama ba ang nakikita ko sapagkat isang anghel na may napaka maaliwalas na mukha ang bumungad sa akin. Kahit gulo gulo ang bawat hibla ng kanyang buhok, tila’y isang tanawin na dapat itaktak sa aking isip. Mamula-mula ang kanyang pisngi na tila parang nag-ayos siya sa kanyang panaginip.
Paunti-unti mong dinilat ang iyong mga mata. Tila kaba at saya ang naramdaman. Ano ba ang dapat kong gawin ngayon at nakikita ang isang katulad mo sa harap ko? Ngayon lang nagliwanag ang araw ng ganito, nakakasilaw ngunit ayokong ipikit ang mga mata ko. Nalilito man kung bakit ganito ang nakikita ko ngunit sigurado ako na bawat araw ikaw lamang ang hihilingin kong makita ng ganito.
Paunti-unti mong inangat ang iyong ulo at unti-unti ring humarap sa akin na tila ba tinitingnan mo na parang tanawin. Nagtagpo ang ating mga mata, nakakapanlambot ang titig mo, habang ang katawan ko’y nakahimlay tila ba’y nauubos ang enerhiya ko dahil unti-unting hinihigop ng mga mata mo. Nakakamangha ang bawat sulok ng mukha mo, tila ba’y naglaan ang diyos para lamang sayo. Ang panghihina ko’y naging lakas nang sinambit mo ang mga katagang, “Good Morning”. Umaga pa lamang ngunit buo na ang araw ko. Hindi makapaniwala sa aking mga narinig. Ikaw nga ba talaga ang aking naririnig? Ikaw ba talaga ang na sa aking mata’y nakatitig? Ikaw ba talaga ang nakadantay sa aking bisig?
Paunti-unti mong tinanggal ang dumi sa gilid ng aking mga mata habang sinasabi "Masarap ba ang iyong tulog mahal ko?" Tibok ng puso'y lumakas ng marinig ko mula sa iyo na mahal mo ako. Hindi mapakali ngunit hindi makagalaw. Hindi mapigilan na gumuhit ang isang ngiti mula sa aking mga labi at sabay sabi "Ikaw ba naman ang katabi ko, may mas isasarap pa ba d'on?" Marahan mo akong hinampas sa balikat, humarap ng may ngiti na nagpakurba rin ng iyong mga mata. "Gugustuhin mo bang gumising araw araw kasama ko?" tanong mo na tila ba'y nagpakaba ng konti sa akin ngunit hindi ko ito pinansin dahil mas gugustuhin kong sagutin ka ng "Oo ikaw lang aking binibini."
Paunti-unti mong nilapit ang mukha mo sa mukha ko, nang biglaang napagtanto na napakalapit na pala ng kalangitan sa aking mukha. Abot kamay ko na lamang ang hinahangad na kalayaan at kapayapaan ng aking puso. Nasa mga bisig ko na ang mga pangarap na matagal ko nang pinaghihirapan makuha. Katabi ko na ang taong mamahalin ko ng buong tapat at puso. Na mahal ko na ang dilag na nakatitigtig sa mga mata ko ngayo'y tila ba pumikit lamang ako'y bigla na lamang maglalaho.
Paulit-ulit kong tinatanong sa sarili habang nakatingin sa’yo, kung puwede bang mapasa akin na ang dilag na nasa aking harapan? Puwede bang tumigil na lang ang oras at tayo’y manatili na lamang dito? Ngunit tila ba’y bumilis ang takbo ng mga bagay sa paligid ng sinabi mo na “Huwag kang malulungkot kung hindi na ako ang makakasama mo hah? Ayokong nakikita kang nakasimangot.” Kaba, lungkot, lito. Hindi kita maintindihan. “Huwag na huwag mong pababayaan ang iyong sarili, naiintindihan mo ba? Huwag mong hahayaang mapunta sa panganib ang buhay mo.” Teka, ano ba ang iyong sinasabi? Lubusan na akong nalito sa mga katagang binibitawan mo, tila ba’y nagpapaalam ka. “Hayaan mo ang sarili mong maging masaya ng wala ako. May iba pa dyan na kaya kang pasayahin ng katulad ng pagpapasaya mo sa akin.” Tumigil ka na, hindi ko na gusto ang iyong sinasabi. Hindi kita maintindihan. “Ipikit mo na ang iyong mga mata sa panaginip na ito, mahal ko.” Panaginip? Ano bang sinasabi mo? “Paggising mo mula sa mundong ito, hindi na ako ang mahal mo.” Tinakpan mo ang aking mga mata na nagdulot upang mapapikit ako. Pilit kong tinanggal ang kamay mo, ngunit sa aking pagdilat, hindi na ikaw ang katabi ko.












