Pangarap ang puhunan, BOSES ang labanan.
Bahagi na ng pagkatao ang pagkanta. Isa kasi iyong alternatibong paraan para mailabas natin ang ating mga emosyon at saloobin. Kapag malungkot, masaya, tensyonado, kinakabahan, nag-aalala at higit sa lahat.. kapag in-love. Minsan nga damang-dama pa, papikit-pikit, tatayo, tapos kapag ganado may action pa. Marahil hindi mabubuo ang araw natin kapag walang lumabas na mga tono sa ating bibig. Kahit nga sa bahay ginagawang istudyo ang kubeta at mikropono ang kabo. Patunay lamang ito na tayo ay ambisyosa.
Isa ka bang Annebisyosa? Ito ang terminong pinasikat ni Anne Curtis na isang hindi mang-aawit pero nagkaroon ng platinum na album at sold out na concert. Az en? WOW lang ha? Ikaw, nais mo bang matutong umawit? Isa itong mahabang proseso at ito ang ilan na makatutulong sa iyo:
Kailangan mong huminga mula sa iyong Diaphragm hindi sa iyong Lalamunan. Kailangang matuto kang kontrolin ang hangin na iyong inilalabas kapag ikaw ay kumakanta at ang paghinga mula sa iyong diaphragm ay makatutulong para magkaroon ng maraming hangin kapag ikaw ay umaawit. Sa pagpapraktis subuking gumamit ng parehong hangin kapag inaabot ang mababa at mataas na nota upang makapagbigay ng tamang tono.
Magpraktis ng mga awiting na hindi nangangailangan ng pagbirit. Hindi mo kailangan na pagurin ang iyong boses sa pagkanta ng mga awiting may mataas na tono para mapabuti ang iyong boses. Simulan mo ito sa mga kantang kaya ng iyong vocal cords. Gawin mo isang oras kada araw para masanay ang iyong boses.
Kapag ramdam mo ng masakit ang iyong lalamunan ay itigil mo na muna ito.
Tumanggap ka ng mga pagpuna o kritisismo. Huwag kang panghinaan ng loob kapag may nagsasabi sa iyong hindi maganda ang iyong boses, tanggapin mo ang kanilang kritisismo para alam mo kung saan ka dapat mag-improve sa paraan ng iyong pagkanta.
I-record mo ang iyong boses. Makatutulong ito upang malaman mo kung ano pa ang kailangan na ayusin mo sa iyong pagkanta. Dito matutuklasan mo ang mga kakaibang bagay sa iyong boses na pwedeng sa kalaunan ay magamit mo para mas gumaling kang kumanta.
Humingi ka ng payo sa mga mang-aawit o iyong mga kaibigan mo na sumasali na sa mga singing competition. Tiyak na mayroon silang tips para sa’yo upang mapagbuti mo ang iyong pagkanta.
Kumain ng masusustansyang pagkain at inumin. Hangga’t maaari ay iwasan mo ang inuming may caffeine dahil nagdudulot ito ng pagbi-build up ng mga plema na nakapagpapatuyo sa iyong boses. Huwag uminom ng mga malalamig na inumin bago kumanta.
At syempre maging positibo! Huwag mong isipin na wala kang ibubuga sa pagkanta. Kung nais mo talaga itong pag-aralan, ay gagawin mo lahat ng paraan para ikaw ay matuto. Lahat ng bagay sa mundong ito ay kaya mong magawa ng maayos basta’t positibo ka lang na maabot mo ang iyong pinapangarap. Tiwala lang :) gaya ni Anne ;)