Siyaman
Siksikan. Mainit. Amoy pawis, pabango, at pasensiyang nauupos. May boses na galing sa likod, ang tono ay pagod pero marunong pa ring makiusap: “Siyaman yan, kaunting usog lang po sa kanan.”
Simpleng linya lang. Pero sa loob ng sasakyan, bawat pulgada may presyo. Tuhod sa tuhod, balikat sa balikat, katahimikan sa katahimikan. Walang gustong umusog. Pero lahat gumagalaw, dahil nakakahiya kung hindi.
At totoo rin siguro ito sa labas ng biyahe. Lahat tayo marunong magparaan, kahit wala na talagang espasyo. Lahat tayo marunong ngumiti habang unti-unting nauurong.
Nakakatuwa rin minsan. Ang bait mo kapag ikaw ang nag-abot ng bayad. Parang maliit na kabutihang gusto mong ipamukha sa mundo. Pero kapag ikaw na ang aabutan, biglang nagkakahiyaan. May mga kamay na nag-aalangan, mga mata na umiwas. Parang takot tayong maramdaman na pare-pareho lang pala tayong pawisan, pagod, at nangangapa.
Tapos ayun, may mga taong ang cool kapag nasa front seat. Parang sila ang may special role: taga-abot ng bayad, taga-pasabi ng “Bayad daw po.” Sila ang kalmadong hindi naiipit, nakatingin lang sa daan, parang may sariling mundo sa gitna ng trapik.
Pero hindi lahat ng front seat pare-pareho. May front seat pa sa front seat, iyong katabi ng driver. Doon nakaupo ang mga mukhang may tiwala sa sarili, ang mga kayang makipagbiruan kay manong habang nakapwesto sa pinakamainit na parte ng biyahe. Minsan sila rin ang humahawak ng pamasahe, o nagbibilang ng “Sampu, bayad daw po, isa pa sa dulo.” At kahit hindi nila aminin, alam nilang sila ang mga pinili.
Pero kahit may ganyan, may Judas not pay pa rin. Laging may isa na biglang bababa nang hindi nagbabayad, tahimik lang, parang walang kasalanan. At kahit walang CCTV, alam ng driver kung sino iyon. Hindi dahil nakita niya, kundi dahil kabisado na niya ang kilos ng mga taong sanay umiwas.
Ganito yata talaga ang kabutihan sa araw-araw. Magalang sa tono, pero may konting inis na tinatago. Laging may usog, laging may kanan, pero wala talagang sariling puwesto.
Kaya kapag may nagsabi ulit ng “Siyaman yan, kaunting usog lang po sa kanan,” gagalaw ka pa rin, tahimik. Kasi sa mundong ito, ang hindi marunong umusog, laging napag-iiwanan. At ang marunong umusog, siya rin minsan ang unang hindi napapansin. --///-- May kwento ako. Basta sagot mo ang kape ko. Click mo lang yung link. ☕ coff.ee/kwentoniblack














