Liwanag at Dilim
Liwanag
Kay liwanag ng buwan
Kay ningning ng bituin
Kay lamig ng simoy ng hangin
Dilim
Malalim na ang gabi
Pinag-iisa ang mga labi
Habang ang mga puso'y nagtatabi
Liwanag
Ang nasa dulo ng akto
Hinahayaan ang galaw kung san dadako
Iindayog ng ritmo ng galaw ng haplos ko
Dilim
Sa dilim ng paligid
Nasanay ang ating bisig
Sa paglalambing, sa pagsisid.
Liwanag
Wala ng mas liliwanag
Sa 'yong ngiti'y naaaninag
Ang nalalapit na pagkatinag
Sa dilim.
Pinapatulan ang sarili
Sa pananabik sa pagkandili
Ng apoy na nananatili
Sa liwanag
Magliliwanag
Ang pagkabasag
Ng pader na madawag.
Sa dilim
Ipagpapatuloy ang pagkimkim
Ng nagpupuyos na mga damdamin
Naghihintay ibulalas ng walang panimdim
Sa liwanag
Ng kadiliman
Mananabik sa pagnamnam
Sa bukas na maaliwalas na naman.











