Telepono
Sa isang hindi inaasahang pagkakataon, tumawag ka. Noong una akala ko kung sino yung tumatawag sa akin sa aking telepono. Marahil, isa lamang ‘yon sa mga trabaho na dapat kong asikasuhin noong araw na ‘yon. O isang paalala patungkol sa isang gawain na hindi ko pa nagagawa, o marahil ay nakalimutan ko na. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi ko lubos akalaing tatawag ka.
Isang nanginginig na 'Kumusta’ ang narinig ko. Hindi ako sigurado noong una kaya inulit ko. Ilang beses din yata ako nagtanong kung sino yung tumatawag at kung ano yung problema. Hanggang sa naging malinaw na ang lahat nang banggitin mo ang pangalan ko. At doon ko nakumpirma, ikaw nga. Ikaw nga 'yon. Tumawag ka.
Napatayo ako sa kinauupuan ko. Ako'y lumayo sa aking pwesto at naghanap ng magandang lugar para mapakinggan nang mas maigi ang mga maaari mo pang sabihin. Maging sa mga sandaling 'yon ay naninigurado pa rin ako; iniisip na baka guni-guni lang ang lahat at nag-iilusyon lang ako. Naging malinaw ang bawat salitang naririnig ko. Lalong dumiin ang patunay na ikaw na nga ang kinakausap ko. Sinong mag-aakala? May mga tao rin pala na parang patay o multo – yung mga tipo ng taong nagpaparamdam na lang bigla nung akala mong wala na sila sa buhay mo.
Nag-alangan ako sa mga sumunod na salitang narinig ko.
“Miggy.”
“I miss you.”
Sabog na ba ako? Nananaginip? Nababaliw? Nahihibang? Nalilito? Sabaw?
O baka naman pinagtitripan mo lang ako? Sanay naman na akong maging biktima ng panloloko kaya’t walang kung anu-ano, nagsalita ako.
“Seryoso ba 'to?”
At umoo ka naman. Ilang beses din kitang tinanong kung bakit. Ilang beses mo ring pinaulit-ulit na namimiss mo ako.
Taragis. Heto na naman ako. Unti-unting nawawala sa sarili dahil sa isang pambihirang pagkakataon, hindi ko inaasahang babalik ka… at hindi ako handa.
Nag-usap tayo. Matagal. Nakalimutan kong may tinatapos akong trabaho noong araw na 'yon dahil inumpisahan mong ukupahan ang buong isip ko.
Natakot ako.
Kung isa na naman itong senaryo na kung saan masasaktan ako bandang dulo, mabuti nang habang maaga pa, itigil na natin 'to.
Pero dahil tanga ako, hindi ako tumigil. Tinuloy-tuloy ko.
Sabi ko, “Kung mananaginip na lang din ako, lulubus-lubusin ko na rin.”
Nag-usap tayo.
Nagkwento ka.
Nagkwento ako.
Binganggit mo na ilang beses mong tinangkang gawin ito pero paulit-ulit ka ring nag-isip muna nang maigi kung kaya mo bang gawin; na malungkot ka at umiinom nang mga sandaling ninais mo akong kausapin; na kinausap mo pa yung kaibigan ko na baka hindi ko sasagutin yung tawag mo kung sakaling tatawag ka man; na minsan mong natagpuan ang sarili mo sa Makati nang walang dahilan – at natahimik ako. Napaisip. At muling nagtanong, “Ano ito?”
Marahan mong binigkas ang mga salitang bumasag sa katahimikan pagkatapos mong ilahad ang mga kwento mo.
“Hindi ko alam. Basta namimiss kita.”
At doon na kita sinimulang konsensyahin. Kung may balak kang saktan ako ulit, pwede mo na lang ba akong deretsuhin?
Bumuhos ang mga kwento. Nakalimutan mo yung tinanong ko. Parang dati lang ulit, nagkukwentuhan tayo. Malugod mong inihayag sa akin ang mga kwentong hindi mo nagagawang ilahad sa nakararami. Sunod-sunod ang daloy ng mga salitang wari ba'y inipon mo nang kay tagal. At walang sawa naman akong nakinig.
Pero natuto na ako. Sabi ko sa sarili ko, marahil bukas o sa makalawa, mawawala na rin 'to. Ganun naman palagi 'di ba? Sa kasamaang palad, kahit gaano man kaganda o kahaba ang kwento, darating ka rin sa punto na magwawakas at magwawakas ito. Akala ko nga matagal nang tapos yung kwento natin. Hindi pa pala.
Binanggit mo ang mga salitang hindi ko kailanman naisip na maririnig ko. Kumpirmado. Hindi lang pala ako ang naniniwalang minsan, naging tayo. Naging tayo. Naging tayo. Oo, sa'yo na nanggaling mismo. Naging tayo. Ang buong akala ko, ako lang ang naniniwalang minsan kang naging akin kaya hindi ko nagawang maihayag 'yon sa iba. Mahirap na. Umasa na nga ako sa'yo, pati ba naman sa kung anuman ang naging meron tayo? Pero tuwid mong binigkas yung apat na letrang matagal kong ipinagkait sa sarili ko, “Tayo.”
Lumalim ang gabi, at lumalim ang pag-uusap nating dalawa. Nalaman kong wala ka noon sa inyo at sa ibang bahay ka nakatira. Nagboluntaryo kang manirahan mag-isa kasama ang aso ng pinsan mo na pinangako mong aalagaan mo habang wala siya. Malungkot ka. At nag-iisa. Pero ginusto mo 'yon. Sabi mo gusto mo 'yon.
Nalaman ko kung nasaan ka mismo. At ako naman 'tong si tanga, sabi ko pupuntahan kita kung gusto mo. Pumayag ka naman. Sabi mo, yayakapin mo ako nang mahigpit kapag nagkita tayo. Pero hindi na ako tumuloy. Alam kong mali ito. At ayaw kong makitang muli ang aking saril bilang isa sa mga maling desisyon mo.
Buong gabi ka ring humingi ng tawad. Sabi mo, ang sama mong tao. Sabi mo, hindi mo sinasadya. Sabi mo hindi ko dapat nararanasan o naranasan kung ano man yung naiparanas mo. Ilang beses mo din saking nabanggit kung bakit ba minahal ko ang isang tulad mo. At umamin ako sa'yo – na kahit kailan hindi ako nagtanim ng galit ni sama ng loob pero nadismaya ako, oo. Maraming beses, yun ang totoo. Pero mahalaga pa ba 'yun? Tapos na eh. Tapos na tayo.
“Hindi ka ba nagsisisi?”, tinanong mo ako.
Huminga ako nang malalim, at taas noo kong sinabi sa'yo.
“Hindi mo dapat pagsisihan ang anuman o sinumang minsang nagbahid ng ngiti 'jan sa mga labi mo.”
—————————–
Mga Alaala Nating Dalawa : Nang Minsan Kang Tumawag Sa Telepono Ko














