sabi ni cynthia villar, ibili mo na siya ng bibingka
a maliksi x reader fanfic
tag(s): tagalog, possibly ooc maliksi, indecisive maliksi. angst if you squint. just a tiny, tinyy drop of yearning.
ang taong mapagbigay, maraming maibibigay. hindi tao si maliksi.
at malayo ang ginto ng mga dulo ng kaniyang daliri sa dampi ng balat ng tao. hindi malalasahan sa lapad ng kaniyang dila ang bilang na taon ng mga mortal. kung may maliligaw na labi sa kaniyang matalas na dila, sasalubungin ito ng pamamanhid, insulto, at lumáy.
alam ni maliksi na walang mapapala ang mga kamay na nais lumusot sa pagitan ng kaniyang mga daliri, hinihiling na mga puwang na lamang ito ng kaniyang tadyang. walang labi na maliligaw sa kaniyang balat ang makakahanap ng pulsong tumitibok.
hindi mapagbigay si maliksi. alam niya 'yon.
"pwedeng bibingka naman? please? pleaseee?"
dumapo ang mga mata ni maliksi sa pamilyar na bangketa. iniinin ang bibingka sa palayok na may dahon ng saging samantalang nasa kabilang bahagi ng lamesa ang kutsinta.
ilang beses ka na niyang dinala sa tindera ng kakanin ilang metro lamang ang layo sa siyudad ng biringan. tumi-tyempo na iilan lang ang mga tao upang makabili ng kaniyang paborito.
walang espesyal na rason kung bakit ikaw ang lagi niyang dinadala. wala. ang alam lang ni maliksi ay dahil ikaw ang nandyan, ikaw ang magaling mangbola ng tindera. kung may isasama man siya sa mga binibini sa pagbili ng merienda, ikaw na lang.
walang espesyal na dahilan.
kutsinta lang ang espesyal.
kung kaya naman dinukot ni maliksi ang pitaka niya sa iyong kamay at kumuha ng isang daan bago ito iabot sa tindera.
"kutsinta. 100 pesos, pabalot na lang."
hindi naman tanga o bulag si maliksi upang hindi mapansin ang paghaba ng iyong nguso. ang iyong panghihinayang at pagtingin sa mainit na bibingka.
hindi rin tanga si maliksi para hindi malaman na paborito mo ang bibingka. na iyon ang iyong inuuna sa mga pasalubong ng kaniyang kuya para sa mga binibini.
kabisado ni maliksi ang gusto mo. na mas pipiliin mo ang bibingka sa kutsinta.
kung kaya naman minsan napapaisip ang tamawo kung bakit patuloy ka pa ring nasama sa kaniyang lumabas ng biringan kung alam mo namang hindi ka niya pagbibigyan.
na mas pipiliin niyang unahin ang sarili niyang merienda, kutsinta imbes na ang paborito mong bibingka.
"hawakan mo." kaswal na utos ni maliksi at inabot ang isang supot ng kutsinta. wala mang lang ni isang bibingka.
sinunod mo ang kaniyang mga salita na may halong pagdadabog. at walang reklamo na lumabas sa bibig ni maliksi nang kumuha ka ng kusinta sa plastik.
may binubulong ka. tungkol sa lagi na lang kutsinta at malapit na kayong maging kahel kakakain nito. nabanggit din ng iyong mga labi si cynthia villar, na para bang unti na lang magiging tagapatag na kayo ng mga bukid sa sobrang pagkain ng kahel na kutsinta.
hindi alam ni maliksi kung iirap o bubuntong hininga.
ngunit imbes na gawin ang dalawa, muli niyang liningon ang bangketa. tinuon ang atensyon sa umuusok na palayok ng bibingka bago muling napatingin sa likod mong papalayo.
minsan, sa mga sandaling nasa iisang bangketa ang kahel ng kutsinta at usok ng bibingka, napapaisip si maliksi.
kung ano ang iyong magiging reaksyon sakaling bibingka imbes na kutsinta ang kaniyang bilhin. kung sakaling bumalik siya ngayon sa bangketa at abutan ng singkwenta ang tindera para sa isang bibingka.
ngunit hindi bumalik si maliksi sa bangketa. hindi ngayong araw.
sinundan niya lamang ang iyong pigurang pauwi sa biringan at inalalang ang taong mapagbigay, maraming maibibigay. hindi tao at lalong hindi mapagbigay si maliksi.
hindi ka niya kayang ibili ng bibingka. hindi handang iabot ang isang supot ng bibingka at kahit isang araw ay merienda mo lang ang bilhin imbes na kutsinta.
hindi mapagbigay si maliksi.
at habang kasabay ka niyang lumakad pauwi ng biringan, isang supot ng kutsinta sa pagitan niyong dalawa, napagtanto ng tamawo:
na maaaring hindi mapagbigay ang tamawong si maliksi, sapagkat wala siyang kayang ibigay. na gustuhin niya mang ihandog ang sarili sa'yo—at marahil isang supot ng bibingka—ay hindi niya magagawa sapagkat ano pa ba ang natitira sa tamawong si maliksi?
hindi mapagbigay si maliksi. alam mo iyon. alam niya iyon.
author's note(s): idk if this mini fanfic makes any sense. the last quote was supposed to go sumth like “what is left of him to give?” or sumth about there is nothing good in me that i can present to you. sumth sumth. anw it's been a year or so since i last interacted with the fandom. i bring food. nom nom.
maliksi belongs to @ask-emilz-de-philz. do check out their marvelous blog.