Ang Aking Ina ay Bayani May Pandemya Man o Wala
Lumaki kaming apat na magkakapatid na walang magulang na sumusubaybay. Bata pa lamang kami ng mangibang bansa ang aking Ina dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas. Walang Pasko o Bagong Taon na kasama namin sila. Ilang kaarawan namin ang lumipas na wala sila sa tabi namin para batiin kami. Dumating pa sa punto na tuwing uuwi sya para magbakasyon dito sa Pilipinas tuwing ika-dalawa o ika-tatlong taon, hindi na ako nae-excite na makita sya, iniiwasan ko sya dahil mananatili lang naman sya sa bahay ng isang buwan o minsan pa ay tatlong linggo lang at pagkatapos ay babalik na rin sa bansa kung saan sya ay naghahanap buhay.
Nang ako ay tumungtong sa hustong gulang nagsimula akong magtrabaho at minsa’y nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Dito ko naranasan na malayo sa aking mga kapatid. Naging malungkot ako dahil wala akong kasama sa aking tinutuluyan. Dito ko na napagtanto na naging masama akong anak dahil sa pag-iwas sa aking ina tuwing uuwi sya ng Pilipinas. Napaka hirap pala ng malayo ka sa iyong pamilya pero kinaya nang aking Ina para matustusan ang pangangailangan namin magkakapatid.
Ilang beses na nakabalik ang aking ina sa Pilipinas ngunit tuwing uuwi naman ako ng Pilipinas ay nakabalik na sya ulit ng ibang bansa. Nang magpasya na akong bumalik dito sa Pilipinas para makapagtapos ng pag-aaral at makita ang aking Ina, ngunit dahil sa Pandemya hindi sya makauwi dahil sa lockdown kaya’t halos pitong taon na kaming hindi nagkikita sa personal.
Ngayong may pandemya pa, mas lalo nating bigyan nang atensyon ang ating mga magulang kahit saan man sila naroon. Hindi natin alam ang kanilang kundisyon dahil madalas na hindi nila ito binabanggit sa atin tuwing nakakausap natin sila. Madalas na may nararamdaman ngunit makita lang kayo kahit sa video call araw-araw, masaya na sila, at babaliwalain na ang kanilang nararamdaman. Hindi lahat ng materyal na bagay ay ikakasiya natin, mas ikakasiya natin ang magkaroon ng maayos na kalusugan lalo na ang kalusugan ng ating mga magulang na syang gumagabay sa atin kahit saan man sila sa mundo naroon, may pandemya man o wala.
“Nay, ikaw ay aking bayani! Mabuhay ka! Maraming salamat sa iyong pagsasakripisyo. Maaari ka ng umuwi. Kami naman bahala sayo. Mahal na mahal kita.”


















