Mapapalitan pero hindi mapapantayan.
Madali mag hanap ng kapalit. Pero mahirap mag hanap ng makakapantay sa mga pinaramdam at ginawa niya para sa 'yo. Mahirap makahanap ng taong tanggap ka sa kung sino ka, 'yung hindi mo na kailangan ng filter sa tuwing may sasabihin ka, 'yung sa tuwing magkasama kayo ay 'di mo na kailangan magpanggap na ayos ka lang, na ayos lang sa 'yo ang isang bagay. Nakakapagod makisabay sa agos ng mundo—pero ayos lang kung sa pagtatapos ng araw, may isang makakaintindi sa iyong mga saloobin at hindi ka matatakot na ipakita sa kaniya ang iyong tunay na itsura sa likod ng maskara na pinapakita mo sa mundo. Kasi nga ay tanggap niya lahat sa iyo. Tanggap niya ang pinakapangit at pinakamagandang katangian mo. Hindi na siya bata para hindi maintindihan na hindi ka naman perpekto.
Mahirap.
Mahirap makatagpo ng taong kabisado ka mula ulo hanggang paa. Kaya kung nahanap mo na siya ay huwag ka nang maghanap ng iba. Isang malaking pagkakamali iyon. Katulad ng ginawa ko.

















