“Bida ang saya kung tatanggalin ang kontraktwalisasyon sa mga mangaggawa ng Jollibee."
Kontraktwalisasyon o ENDO (end of contract)—isa sa mga kasalakuyang problema ng lipunan pagdating sa kawalan ng trabaho sa bansa. Dahil dito, nagdudulot ito ng pagkatanggal ng trabaho ang napakaraming mga empleyadong Pilipino dahil pagkatapos nila ng ilang buwan ng kontrata, tatanggalin na agad sila. Tinatanggalan din nito ng pagkakataon ang mga empleyado nito na makapagbigay ng magandang buhay sa pamilya dahil sa mapagsamantalang mga kapitalista sa bansa upang mas makalikom pa ng yaman sa bansa. Dahil sa pamamagitan nito, nakakaiwas ang mga mapanlamang na mga kapitalista sa pagbibigay ng tamang sahod at benepisyo sa mga naghihirap na mga empleyado ng kani-kanilang mga kumpanya.
Tama ba ito? Totoo nga bang kung ipinanganak kang mahirap ay kasalanan nang mamatay nang mahirap? Bakit sa tingin ko'y kahit anong hirap ng mga taong nasa laylayan ng lipunan, kung tinatanggalan naman sila ng oportunidad para bumangon sa buhay, hindi pa rin sila makakaahon sa kahirapan? Tama ngang hawak nila ang desisyon nila sa buhay ngunit minsa'y hawak din ng mga taong oportunista at mapagsamantalang mga amo ang kanilang pagkakataong umahon sa kahirapan at pilit sumusunod sa kani-kanilang mga amo na parang mga maaamong aso dahil naiipit sila sa ideyang, mawalan ng trabaho o sumunod na lamang. Bukod pa rito, dahil nga sa kakulangan ng trabaho ng mga Pilipino--maraming pinipiling kumapit sa sistemang ito, ang kontraktwalisasyon, na sinasagawa madalas ng mga mayayamang negosyante. Ang mga ito ay nagreresulta sa patuloy na pagyaman ng mga mararangya at paghirap ng mga maralita. Samakatuwid, palayo nang palayo ang agwat ng mayayaman sa mahihirap. Nakakalungkot at nakakaawa ang kalagayan ng mga empleyadong hawak ng mga kapitalistang kumpanya sapagkat kahit anong paghihirap at pagsisikap nila para mabuhay ang kani-kanilang mga pamilya pagkatapos ay tatanggalin lamang sila at mapipilitang maghahanap ng bagong trabaho. Isinaad ni Maclang (2015) na sa pagkakaroon ng end of contract o ENDO, nawawala ang mga benepisyo na maaari nilang makuha kung tumagal sila gaya ng 13 month pay, promotion chances at retirement benefits ng SSS, Philhealth, at Pagibig.
Ayon sa ABS-CBN news, isa sa mga kumpanyang kinikilala na nakikibahagi sa pangongotrata ng kanilang mga empleyado ang kilalang-kilala at ang pinakalamalaking fast food sa Pilipinas, ang Jollibee corporation. Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nangunguna ang Jollibee sa listahan ng mga kapitalistang negosyo sa bansa na may 14, 960 na mangagawang nasa ilalim ng kontraktwalisasyon. Sa likod ng saya na binibigay ni Jollibee sa mga bata tuwing pumupunta rito para kumain ay maaaring siya ring lungkot ng Jollibee na nasa likod ng mascot nito. Ang lungkot na meron pa ring mga empleyadong nakapailalim sa sistemang kontraltwal. Ang sakit isipin na hirap na hirap maghanapbuhay ang kanilang mga mangaggawa, kahit na baha ay pilit pa rin nilang gawin ang kanilang mga trabaho and patuloy na nagbibigay ng saya sa mga tao. Hindi nila inaalintana ang baha at patuloy na nagtatrabaho para sa kanilang mga pamilya. Bukod pa rito, hindi rin sila makakapili kung pwede ba nilang itigil ang paghahatid ng serbisyo kahit may sakuna na dahil kapag hininto nila ang pagbibigay ng serbisyo, maaaring magresulta ito sa pagkakatanggal nila sa kanilang trabaho. Sana sa bawat ligayang naibibigay ng Jollibee sa mga bata ay ganun din ang sayang naihahandog nito sa mga empleyado nito. Ayon nga sa kumuha ng larawan na si Valderrama, “Kudos kay kuya na handang maghatid ng saya sa kabila ng matinding baha”, pero mas kudos sa Jollibee kung gagawin na nilang regular ang lahat ng manggagawa nito upang maniwala ako muli na sa Jollibee, bida ang saya.
Ang mga litrato ay galing sa Rappler na kuha ni Dennis M. Sabangan/EPA.
(1) Isang nars ang nag-aasikaso sa mga pasyenteng naka-confine dahil sa typhoid fever sa masikip na Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital sa Calamba, Philippines.
(2) Ang mga elementarya na dumalo sa unang araw ng eskwela ng pampublikong paaralan sa malayong nayon ng Rizal, ika-3 ng Hunyo 2013.
Ang hindi pagkakapantay-pantay na trato sa mga mahihirap ay sanhi ng paniniwala na hindi maaaring makamtan ng mga nasa mabababang katayuan sa lipunan ang mga, kahit na ordinaryong, karapatang pantao na natatamasa ng mga taong may mataas na estado ng pamumuhay. Ayon kay Joanna Kadi (1996), ang "class discrimination", na maaari ding tawaging "classism", ay ang diskriminasyon na naka-base sa katayuan sa lipunan na hanggang sa kasalukuyan ay nararanasan pa rin ng mga nasa mabababang lebel ng lipunan. Naihahalip dito ang kaugalian ng indibidwal, saloobin, sistema ng polisiya, at mga nakasanayan na maaaring makabuti sa mga nasa mataas na antas ng lipunan ngunit makakasama sa mga bahagyang nakaka-baba. Tatalakayin dito ang hindi pantay na pagtrato ng iba't-ibang uring sektor ng lipunan sa mga mahihirap.
Ayon kay Tina G. Santos (2014) ng Inquirer, namatay ang isang sampung taong gulang na babae na may karamdamang Congestive heart failure dahilan ng pagtanggi ng isang pribadong ospital sa siyudad ng Butuan sapagkat hindi kayang ilabas ng pamilya ang hinihinging deposito ng ospital na P30,000 para sa Intensive Care Unit (ICU). Ang pamilya ay handang magbayad ng P10,000 at nangakong babayaran ang kulang sa susunod na umaga, ngunit hindi pa rin pumayag ang nasabing ospital. Inilathala naman ni Rachel Perez (2017) sa Smart Parenting Website na ang isang babae ay napilitang isilang ang kanyang anak sa loob ng isang taxi pagkatapos siyang di tanggapin ng dalawang ospital (Sabale, GMA News TV, 2017). Nasabi ng unang ospital na wala raw silang sapat na kagamitan para magpanganak ng premature na sanggol. Ang sumunod na ospital ay pinagserbisyuhan ang mag-ina ngunit pagkatapos nitong manganak ay tinanggihan muli dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad sa mga naturing serbisyo. Masosolusyonan ito sa pagpapatupad ng mahigpit na pamamalakad sa mga batas. Ayon kay Kristian Javier (2017) ng Philippine Star, inaprubahan na ng senado ang batas laban sa pagtanggi ng mga ospital sa mga kasong emergency o ang Senate Bill 1353 (The Refusal of Hospital and Medical Clinics to Administer Medical Treatments). Nakasaad dito ang paglaki ng mga multa na umaabot sa P100,000-500,000 para sa mga establisyimentong hindi tatanggap ng mga pasyente o lalabag sa Republic Act 8344 o The Anti-Hospital Deposit Law na ipinasa noong 1997 kung saan ipinagbabawal ang mga ospital na humingi ng deposito mula sa mga pasyente bago ito pagserbisyuhan. Maaari ring matanggalan ng lisensya ang mga ito pagkatapos sumuway ng tatlong beses. Ayon ulit sa Philippine Star, nasabi ni Senador Risa Hontiveros (2017), ang punong may-akda sa nasabing batas, na ang pangunahing layunin nito ay ang bigyan proteksyon ang mga karapatan at interes ng mga pasyente laban sa pang-aabuso, at para rin mapagbuti ang sangay ng kalusugan sa ating bansa. Ibinahagi rin niya na ang mga mahihirap ay dapat tanggapin ng mga ospital, dapat raw ay walang pamilyang kailangan pang magmaka-awa upang mabigyan lamang ng sapat at tamang medikal na paggamot. Ibinahagi ng Inquirer ang sinabi ng Department of Health (DHO) Undersecretary Herbosa (2014) na ang mga kasong emergency ay hindi kinakailangan ng deposito, at kung hindi sapat ang pang deposito ng mga kliyente, ang mga ospital ay inaasahang tanggapin ito at pansamantalang gamutin sa mga charity bed o emergency room. Nakasaad rin sa batas na Anti-Hospital Deposit Law ng 1997 na kung ang isang ospital ay kulang sa pasilidad, inaasahang ilipat ng attending physician ang pasyente sa ospital na may sapat na kagamitan at hindi dapat tumanggi ang paglilipatan na establisyimento. At kung emergency naman ay kinakailangan na isagawa muna ang paggamot bago ito irekomenda sa ibang ospital. Ang aksyon na ito ay dapat ring siguraduhin ng taong may responsibilidad na hindi ikalalala ng pasyente ang nasabing paglipat.
Hindi lahat ng tao na walang sapat na edukasyon ay namumuhay sa kahirapan. Ngunit bakit nga ba ang mga taong nasa kaibuturan ng kahirapan ay walang kakayahang
makapag-aral? Maraming rason ang humahadlang. Isa na rito, marami sa mga pamilyang Pilipino ang walang kakayahang maglabas ng pera para sa matrikula. Mas praktikal din ang pagta-trabaho ng mga anak upang makatulong sa mga gastusin sa bahay. Kung maaari lamang na matuto ang marami ng pangunahing pagbabasa ay maaaring mabawasan ang mga mahihirap ng 171 milyong katao, ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO, 2018). Kung makakapag-tapos naman ng pag-aaral, ang global na kahirapan ay mababawasan ng kalahati. Isipin mo na kailangan mong pumunta sa trabaho, sa eskwelahan, o sa kung saan pa man, ngunit wala kang dadaanan. O di kaya’y, labis na binaha ang inyong lugar kaya naman wala ng iba pang paraan upang ikaw ay lumarga. Ang kakulangan sa mga imprastraktura, maging daanan, tulay, ilaw, telepono, o kaya’y internet, ay pilit hinihiwalay ang mga komunidad na nasa pook rural. Ang paglalakbay mula sa mga malalayong lugar na ito upang makasagap ng pangunahing pangangailangan ay gumugugol ng maraming
oras, panahon, tiyaga at pera na siyang sagabal upang umunlad papalayo sa
kahirapan. Nililimitahan nito ang mga oportunidad na magdadala sa buhay ng kaginhawaan. Ibinahagi ni Ej Lopez (2014) sa The Manila Times na ang uri ng sistema ng edukasyon sa bansa ay democratic at liberal na galling sa American colonial rule. Epekto nito ang mababang kalidad ng pagtuturo sa mga pang-akademikong institusyon. Sinabi rin niya na ang mga paaralan na ito ay itinayo lamang upang kumita, imbis na makapag-serbisyo sa mamamayan. Ang mga taong walang sapat na pondo ay ang mga kadalasang bumabagsak dito. Karamihan din ng mga estudyanteng nasa probinsya ay nakakakuha ng mga mabababang grado sa mga pagsusulit. Ang rehiyon ng Western Mindanao ay may literacy rate na 65%, habang ang Central Luzon at Metro Manila ay nakakuha ng 95%. Sinasabi na ang pangunahing rason daw ay napagkakaitan ng mataas na kalidad ng pagkatuto. Maaaring taasan ang suweldo ng mga guro at bigyan ng sapat na pondo ang mga pampublikong paaralan upang mapunan ang mga kulang na upuan, mesa, at mga pasilidad na nakakaapekto sa pagkatuto ng mga bata.
Ang diskriminasyon ay talamak sa ating bansa lalo na sa mga mahihirap na pinagkakaitan ng mga oportunidad at karapatang pantao na susi sa kaginhawaan na nararanasan ngayon ng mga may matataas na estado sa buhay. Ang mga mahihirap ay hindi pinagse-serbisyuhan ng maganda at sapat dahil kulang ang kanilang pambayad sa matrikula man o sa mga pang-medikal na gastusin na higit na nakakaapekto sa kanilang hinaharap. Sa inyong palagay, bakit nga ba hindi matanggap ng lipunan ang mga mahihirap?
Tayong mga Pinoy ay naghahangad ng pagbabago mula sa gobyerno. Binuboto natin ang mga kandidatong sa tingin natin ay makapagdudulot ng pag-unlad sa ating bansa ngunit sa panahon na hindi na natupad ng mga nahalal ang kanilang mga naipangako dito na kikilos ang mga tao. Babatikusin at magwewelga upang maipahayag ang ating mga saloobin at pagkadismaya. Sa isang banda ito'y nararapat lamang dahil kinakailangang malaman ng gobyerno na tayo ay mulat sa kanilang mga kamalian at pagkukulang. Ngunit dapat mamulat din ang mata at isip natin na hindi lang ang pamahalaan ang may pagkukulang pati na rin tayong mga mamamayan nito.
Mayroong mga simpleng batas na dapat sana'y madaling nasusunod ng madla ngunit ito pa ang halos ipinagsasawalang bahala natin. Maaari nating masabi na nagkaroon na tayo ng kaisipan na “okay lang yan, wala namang nakakita/makakakita”, “hindi naman malaking bagay kung hindi ako gagawin yan” o kaya naman “tignan mo sila, eh bakit sila ginagawa din naman” kaya hindi natin sinusunod ang mga ito. Subalit ito rin ang nagiging isa sa mga kadahilanan kung bakit ang inaasam nating pag-unlad ay hindi nangyayari.
Ayon kay Macabuhay (2005), ang problema ng bansa ay hindi ang kakulangan ng mga batas kundi ang pagpapahalaga at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas. Hindi na dapat magtaka kung bakit hindi umaasenso ang Pilipinas. Walang pagpapahalaga sa batas at hindi ipinatutupad. Nawawalan tayo ng disiplina bilang isang mamamayan ng ating bansa. Ipinagsasawalang bahala lang natin ang mga simpleng batas dahil alam natin na wala namang mabigat na kaparusahan ang mga ito. Pilit nating ikinakatwitran ang baluktot nating kaisipan para lang masunod ang ating nais kahit na ang ibig sabihin pa nito ay hindi pagsunod sa kung ano tama. May mga pagkakataon din na tayo ay sinisita ng ating mga kakilala at sinasabi nila kung ano ang tamang gawin ngunit parang ipinipilit pa rin natin na “hindi naman ginagawa ito ng lahat ng tao, kaya bakit ko gagawin ‘to?” Hindi natin namamalayan na ang kaugaliang ito ang mas humahatak paibaba sa ating bansa. Dahil dito tayo ay nagiging lason sa ating inang bayan at sa ibang mamamayan, pumipigil sa pag-asenso at lalong pinalalala ang sitwasyon sa bansa.
Ang Disiplina ay isang mahalagang aspeto ng tao. Tinutulungan nitong ihubog ang isang indibidwal upang maging masunurin at produktibong miyembro ng komunidad. Ngunit nagmimistulang nagkukulangan tayong mga Pilipino nito.
Nararapat lamang na ating sundin ang mga simpleng batas na isinasakatuparan sapagkat ang mga ito ay magsisilbing gabay sa atin sa pagtukoy ng tama o maling mga bagay na maaari nating gawin na siyang makapagpapaganda at makatutulong sa ikauunlad ng ating bansa. Ang batas ang isa sa mga bagay na nagpapaikot sa ating lipunan maging sa mundong ating kinatatayuan. Nabanggit ni Tan, C. (2015) sa kanyang blog site na pinamagatang “Bakit Ang Hirap Sumunod sa Patakaran” na kaya hirap tayong sumunod kahit sa mga simpleng patakaran ay dahil sa ating perspektibo na ang patakaran ay hindi alituntunin kundi pawang mungkahi lamang ang mga ito subalit kung tutuusin, kaya isinatupad ang mga ito ay para malinang ang pagiging organisado at pagiging maayos ng bawat isa. Nakalulungkot man isipin na sa lipunang ating kinabibilangan ay hindi maikakaila na mayroong mga taong nasa kapangyarihan na siyang mismong umaabuso at hindi sumusunod sa mga batas na sila rin ang nagtakda. Hindi natin masisisi ang ating sarili na mag-isip na “Bakit ako susunod sa mga batas na iyan kung ang mga opisyal mismo ay hindi kayang sumunod sa mga ito?” subalit mas makakabuti kung ating puksuin ang ganoong pag-iisip. Huwag na natin itulad ang ating mga sarili sa kanila sa pamamagitan ng ating hindi ring pagsunod sapagkat kung ating gagayahin ang kanilang gawain, ano ang pinagkaiba natin sa kanila? Kung ating susundin ang mga simpleng batas na ito sa ating pang-araw-araw na mga gawain, hindi man natin agad makikita yung benepisyo nito sa ating lipunan subalit unti-unting eepekto ito maliit man o malaki. Hindi lamang mahalaga ang maging maalam sa mga simpleng batas bagkus mahalaga rin ang sinusunod natin ang mga ito sapagkat paano natin makikita ang pagbabagong nais nating makita sa ating lipunan kung hindi natin sisimulan ang pagbabago sa ating mga sarili?
1. Ano-ano ang mga napapanahong suliraning pangwika, panlipunan, at/o pangkultura na may kaugnayan sa aking kurso?
Ang napapanahong suliranin na pinaka may kaugnayan sa aming kurso ay ang Endo o End of Contract, unemployment at under-employment ngunit mas binigyan namin ng pansin ang unang nabanggit na suliranin. Pinili naming ito biglang isa sa tatlong isyung maaaring naming talakayin dahil nais naming magbahagi ng dagdag pang kaalaman sa aming kapwa mag-aaral. Ito din ay mahalagang bigyan diin sapagkat ang ugat nito ay nasa mga business owners. Dahil kami ay mga estudyante na kumuha ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship kinakailangan naming lubos na maunawaan ang suliraning ito upang sa oras na kami ay maging ganap nang matagupay na negosyante ay masolusyunan naming at maiwasang maulit ito at ang iba pang suliranin na may kaugnayan sa pagnenegosyo.
2. Paano naiimpluwensiyahan ng katutubong kultura ang problema at solusyon ng mga suliraning panlipunan na may kaugnayan sa aking kurso?
Ang paraan ng pamumuhay katulad ng pagkilos at pagdedesisyon ay nakakaapekto sa mga problemang ating hinaharap at mga solusyong ating paplanuhin ayon sa ating mga paniniwala. Isang halimbawa ang hindi pantay-pantay na pagtrato sa iba’t ibang antas, katulad ng pag-aplay sa magandang trabaho. Mas nabibigyan ng oportunidad ang mga nakapag-aral sa kilalang paaralan o pamantasan dahil nasa kultura natin na mas tinitimbang ang pinanggalingan kaysa sa sariling kakayahan ng indibidwal. Ngunit ang pagiging matatag at di pagsuko ng mga Pilipino ang nagiging daan upang lampasan ang mga suliraning ito at lalong magsikap para patunayan sa lipunan na sila ay katanggap-tanggap.
3. Paano gumaganap ang wikang Filipino ng tungkulin sa matalinong pagtatalakay ng isyu at pagiging bahagi ng lunas dito?
Ang Wikang Filipino ay nakakatulong sa matalinong pagtalakay ng mga suliranin dahil mas maayos nating mabubuo at maipapahayag ang mga ideya sa kadahilanang mas malawak na kaalaman sa sarili nating salita. Bukod pa rito, sa paggamit ng ating sariling wika, maipapahayag natin ang mga isyung napapanahon sa ating lipunan upang maipamahagi ang mga kaalamang bumabalot sa ating mga isipan sa sa ating kapwa Pilipino. Mas maiintindihan nila ang ating saloobin na magreresulta sa pag-iintindi nila sa atin at sa gayon, matulungan nila tayo sa pagresolba sa isyung mga panlipunan sa bansa. Sa ganitong paraan, matutulungan natin ang bawat Pilipino na maging bukas ang mga kaisipan ukol sa iba't ibang isyu na dapat mabigyan ng solusyon sa bansa at matutulungan natin ang bansa na makahanap ng mabisang solusyon sa mga isyung panlipunan sa Pilipinas.
Hernandez, Z. (2018, May 28). Gov't tags Jollibee, Dole, PLDT in 'endo' fight. Retrieved from ABS-CBN News: https://news.abs-cbn.com/business/05/28/18/govt-tags-jollibee-dole-pldt-in-endo-fight
Maclang, K. (2015, June 6). What are the Rights of a Contractual Employee in the Philippines? Retrieved from Kalibrr: https://www.kalibrr.com/advice/2015/06/contractual-worker-rights-in-philippines
Kadi, J. (2018, August 7). Class discrimination. In Wikipedia, The Free Encyclopedia. Retrieved 06:04, September 29, 2018, from https://en.wikipedia.org/w/index.php?title=Class_discrimination&oldid=853793740
Javier, K. (2017, May 15). Senate Oks bill against hospitals refusing emergency cases; The Philippine Star. Retrieved from https://www.philstar.com/headlines/2017/05/15/1700220/senate-oks-bill-against-hospitals-refusing-emergency-cases
Perez, R. (2017, January 18). Hospitals Need To Treat Emergency Cases Even Without Deposit. Retrieved from https://www.smartparenting.com.ph/life/news/know-your-rights-the-anti-hospital-deposit-law-a00041-20170118
Santos, T. G. (2014). DoH: Hospitals must admit all emergency patients. Retrieved from http://newsinfo.inquirer.net/629385/doh-hospitals-must-admit-all-emergency-patients
Myers, K. (2018, May 3). The top 9 causes of global poverty - Concern. Retrieved from https://www.concernusa.org/story/top-9-causes-global-poverty/
Geronimo, Y.G. (2014, April 10). Education for all by 2015? Not happening, says Unesco. Retrieved from https://www.rappler.com/nation/55127-education-goals-updates-unesco
Geronimo, J. Y. (2016, August 18). Denied treatment in a hospital? Bill wants a ‘Sumbungan Board’ for that. Retrieved from https://www.rappler.com/nation/143402-risa-hontiveros-senate-bill-sumbungan-board-health-facilities-oversight-hospital-treatment
Lopez, E. (2014, June 5). Discrimination in Philippine Education; The Manila Times. Retrieved from https://www.manilatimes.net/discrimination-in-philippine-education/101878/
Macabuhay, D. (2005). “Hindi umuunlad ang bansang walang paggalang sa batas.” Philstar Global. Retrieved October 01, 2018, From https://www.philstar.com/opinyon/2005/11/01/304759/hindi-umuunlad-ang-bansang-walang-paggalang-sa-batas
Tan, C. (2015). “Bakit Ang Hirap Sumunod sa Patakaran.” Retrieved October 2, 2018, From https://chinkeetan.com/2015/10/27/bakit-ang-hirap-sumunod-sa-patakaran/
Kontrakwalisasyon: https://twitter.com/bastyvee/status/1019439645229080576
https://www.rappler.com/nation/55127-education-goals-updates-unesco
https://www.rappler.com/nation/143402-risa-hontiveros-senate-bill-sumbungan-board-health-facilities-oversight-hospital-treatment
https://www.reddit.com/r/Philippines/comments/7m0bwe/escalator_etiquette_in_ph/
http://www.fotothing.com/photos/c70/c705b58654988b654a6ac13646611720.jpg
http://huli-ka.blogspot.com/2006/05/no-loading-zones.html
https://www.autodeal.com.ph/articles/car-news-philippines/mmda-tows-more-300-vehicles-under-anti-illegal-parking-operation
Salandanan, Mark Angelo P.
Tenedero, Charlotte Regine A.
Vizconde, Alyssa Angel R.