Photo Courtesy: Sean Irvin B. Miranda
Hindi maikakaila na paborito ng mga pinoy ang paliligo sa dagat. Katunayan, ito ang isa sa mga madalas na nakalagay sa bucket-list natin kapag may bakasyon. Ngunit sa aking karanasan, ang dagat ay nagkaroon ng malalim na kahulugan. Halina’t samahan ako sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan, nang sa gayon itong takipsilim ay maunawaan.
Naaalala ko pa noong una akong tumungtong sa islang ito, wala akong kakilala, kamag-anak, ni makausap sapagkat ang dayalekto ng mga nakapaligid sa akin ay tunay na kakaiba. Dito sa lalawigan ng Iloilo ay maraming mga termino sa Filipino na iba ang salita at kahulugan sa Hiligaynon. Halimbawa, ang pispis, sa Filipino ang ibig sabihin nito ay tira-tira o mga sapal ng pagkain. Sa kabila ng hindi kaaya ayang kahulugan nito, ay kabaliktaran naman noon sa Hiligaynon. Ang salitang pispis ay nangangahulugang ibon.
Wala akong mapuntahan, ni hindi alam kung kanino makikipag-usap. Nang kami ay makarating sa aming tahanan at sa pagdaan ng panahon ay nagkaroon narin ng maraming kaibigan. Tila ang lungkot ko sa pag-alis ko sa aking dating tahanan, kung saan ako nagka-malay at nagkaroon ng maraming ala-ala, ay unti unting nawawala. Ang aming sambahayan ay nagpalipat lipat ng lokal hanggang sa kami ay makarating sa Lungsod ng Iloilo, ang sentrong lungsod sa lalawigan na ito.
Dito nakakilala ako ng maraming tao, at dito ko rin napagtanto ang napaka makulay nilang kultura. Dito sa Iloilo ay taon taon tuwing Enero ay mayroong pista na kilala sa tawag na Dinagyang Festival. Dito ko rin napagtanto na dito nadiskubre ang orihinal na La Paz Batchoy sa bayan ng La Paz at ang kanilang sikat na Roberto’s Siopao na napaka laki at sobrang malaman. Ngunit sa kabila ng mga kagandahang ito ay mayroon akong napansin na magbabago ng aking pananaw sa mundo.
Nakilala ko si Trisha Andrea C. Provido isang mahinhin, maaruga, matiyaga ngunit napakalakas na babae. May matibay na pananampalataya sa Diyos na aming pinaglilingkuran. Noong Marso 15, 2021, araw ng kanyang kaarawan, kami ay nagtungo sa kanilang tahanan upang magsalu-salo. Bagaman maikli ang paglalakbay na ito, dito ay marami akong natutuhan.
Bagaman ang aming kinalalagyan ay nasa uring urbanisadong syudad, mararamdaman mo parin ang preskong simoy ng hangin, ang preskong amoy at lamig ng hangin galing sa dagat ay nakakapagpatindig ng balahibo, ngunit sa kabila ng mga ito, ang mga taong naninirahan sa babay ay talagang hindi mo maikakaila na ang pamumuhay ay nasa uring mahirap.
Hindi ko maisip na sa ganda ng pananamit, ganda ng kutis at kagandahang loob ay dito pala nakatira si Trisha. Nagtungo muna kami sa baybay upang makita ang napakamamanghang tanawin na kitang kita ang isla ng Guimaras sa harapan, habang ang Takipsilim ay makikita mo sa gawing kanan.
Makikita mo ang mga batang lumalangoy at naglalaro sa Dagat na bagaman malinaw ang tubig makikita mo rin na maraming basura sa pampang.
Hindi nila alintana ito, hindi mapipigilan ng mga basura ang kanilang kasiyahan. Dito ko naitanong sa aking sarili… bakit maraming mga tao na may kaya sa buhay ay ubod ng dami ng problema at halos malugmok na rin, samantalang ang mga kabataan at mga matatandang naka tambay sa baybay ay tila walang pinuproblema at puro kasiyahan sa kanilang mukha ang aking nakita?
Sa aking tanong na ito ay naisip kong kuhanan ng litrato ang napaka-gandang silhouette ng takipsilim, makikita mo rito ang araw at ang mga dikit dikit na bahay sa ibaba nito.
Nang lumubog ang araw ay nagtungo na kami sa kanilang tahanan upang magsalo-salo.
Sa aking pagpasok makikita mo na ang kanilang bahay ay hindi yari sa semento kundi yari sa kahoy gaya ng kanilang sahig. Pag tingala mo naman sa itaas ay walang kisame, yero na agad ang iyong makikita. Sa kabila nito makikita mo sa hapag kainan ang napaka raming uri ng pagkain.
Pagkatapos ko ipanalangin ang nagdiriwang ng kaarawan at ang pagkain na aming kakainin, ay nagsimula na ang aming pagsasalo-salo.
Dito ko muling napansin ang kasiyahan sa kanilang mga mukha. Ang mga ngiti ay hindi mo matutumbasan. Walan ni isang naka simangot sa kanila, at tunay nakakahawa ang kasiyahang ito. Marami din akong problema noon ngunit sa kaunting saglit ay tila nawala ito ng biglaan.
Naitanong ko kay Trisha ng pabiro, “Bakit ansaya ninyo? Parang wala kayong problema?” at ang tugon niya sa akin. “Mayroon din, mas maraming bagay ang dapat mong ika-siya at ipagpasalamat”.
“Masaya kami dahil sa kabila ng Pandemya at kalagayan ng aming tirahan ay buo parin ang aming pamilya, walang sakit, malalakas at masisigla sa tungkulin” dito ko tunay na naunawaan ang tunay na pinag mumulan ng kaligayahan.
Hindi ito ang status ng buhay, propesyon, nakamit sa buhay, ni hindi ito nagmumula sa dami ng kaibigan, at lalong hindi nagmumula sa salapi.
Ang kaligayahan ay matatamo ng isang tao kung magagawa mong tumingin sa mga magagandang nangyayari sa iyong buhay kahit mayroong mga pagsubok at mga problema na dumarating.
Kapag may Takipsilim alam mong malapit nang magdilim, ngunit hindi ibig sabihin na madilim ay hindi ka na makakakita pa ng umaga, at hindi ibig sabihin na madalim ay wala nang liwanag na makikita.
Ang takipsilim ay sumisimbolo sa panibagong pag-asa, panibagong sigla, na sa maghapong pag-gawa at pagod, kapag nakikita mo ang takipsilim ay naipapaalala sa iyo na makakapag pahinga ka na, malapit nang mag dilim, at isang araw nanaman ang lilipas, ngunit ikaw ay buhay, malakas, at masigla parin.
Umuwi akong masaya, baon ang mga ala-alang hindi makakalimutan, kapiling ang isa sa pinaka mahalagang tao na tunay na hinahangaan ko.