Kanina, bumili ang nanay ko ng isda, yung tilapya. At buhay na buhay talaga. And I was like, “Ma? Ilalagay niyo sa aquarium?”
27 years na akong lumalanghap ng polluted hangin sa mundong ibabaw,mag-pa-hanggang ngayon, hindi pa rin ako marunong kumilatis ng fresh na isda. Kung virgin pa ba to o hindi na. Sabi ng maharlika kong friend (anak mayaman eh), kapag daw madaming dugo, yun daw ang virgin, yun daw ang fresh. Kaya ang sagot ko naman,
"So mas fresh pag mas maraming dugo? Bakit pag ang babae nawalan ba ng puri at mas madaming dugo nawala, mas nagmumukha ba silang fresh?"
Kung hindi lang milya-milya ang layo saken ng talipandas kong kaibigan, umaatikabong konyat na ang inabot niya sakin
Pero seryoso. Alam ko lang na fresh ang isda kapag nagaamok pa ito mula sa batya ni Aling Tindera sa palengke. ‘Yon bang tipong, tumatalon-talon pa at nag-eexhibition. Kaso lang ayokong kumuha ng buhay na buhay tapos pagdating sa bahay ako ang papatay. Tipong pigil ang hininga kong hihiwain siya, aagos yung dugo niya sa mga palad ko, tapos nakatitig sakin yung mga mata niya habang unti-unti siyang kinakapos ng hininga, at mamatay siyang dilat. Shet! Hindi ko yon kakayanin. Lalong hindi ko masikmura yung ginagawa ng nanay ko na humihinga pa yung isda, diretso siya sa lalamunan neto sabay hila ng hasang. Para daw hindi na humaba yung paghihirap ng pobreng isda.
Jusko! Ayokong maging kriminal. Ipis lang ang kaya kong patayin ng brutal. Yung kahit ilang libong beses ko siyang hampasin ng tsinelas o walis tambo hanggang tumilamsik ang lahat ng lamang loob niya at magkadurog-durog ang buong pagka-insekto niya maging ang kaluluwa niya, ayos na ayos lang, pero wag ang isda.
Hanggang sa tinawag ako ng nanay ko at sinabing “‘Nak, ikaw nga muna dito at may gagawin lang ako.” And I was like. “OH-MY-GOD!” tunog Kim Chu para cute. Rumehistro ang isang milyon, dalawamput limang libo, isang daan at walo (pinili ko talaga yung walo sa huli para infinity and beyond) plus forevermore ang emosyon sa mukha ko. Nagsusumamong “Maaa??” at pa-cute baka sakaling madaan sa charm with matching kunot noo ang tinig ko. (Pero mas marami talaga yung tonong nagrereklamo ako.) Kaso waley, wa epek, hindi convincing. Pagsilip ko sa palanggana, may natitira pang dalawang buhay na isda. Magrereklamo sana uli ako ng magsalita ang nanay ko. “Isipin mo na lang na yan ang walanghiya mong ex at babae niya.” At sumilip ang buntot ko sabay wiggle wiggle. Pinili ko yung pinakamalaki naming kutsilyo at posibleng magka-diabetes ang makakasaksi sa ubod ng tamis ng ngiting pinakawalan ko.
"Ma! Ano to? Crushed o Powdered?"