"PAPEL, GUNTING, BATO"
Tara maglaro ng papel, gunting, bato
Gamit ating katawan, isipan at puso
Mananalo ako, mananalo ka, tatabla
Pero pagkatapos ng laban, paano na?
Gagamitin ko ang katawan bilang papel
Babalutin ng pag-ibig tulad ng balabal
Tulad ng blankong papel, ibulong mo sa
akin ang lahat
Akin na yang pusong bato mo at iuukit
ko ang lahat
Gagamitin ko ang isipan bilang gunting
Sa piling ko ang lungkot ay akin putulin
Tulad ng matalas kong talim, muli mong
ayusin ang kulubot
Pulupot ng katawan mong papel sa kaniya
ay ako na ang lalagot
Gagamitin ko ang puso bilang matigas na bato
Ipupukol sa lahat ng harang papunta sa iyo
Tulad ng tigas ng panlabas na anyo, gawing
sandalan mo ako
Ihain lang ang pangamba ng gunting na isipan
at hayaang durugin mga ito
Kaya kong maging papel, gunting at bato
Ngunit kahit anong ilaban ay talo parin ako
Yakapin man ng papel, kinisin man ng gunting
o sandalan ang bato
Bakit sa larong tinatawag na pag-ibig, balewala
ang maging papel, gunting at bato?