O, kay gandang pagmasdan, salitan na kulay ng kahong lupain; itim, puti, itim, puti, kung minsan pa nga’y ang itim pinapalitan ng kulay berde. Bawat indibidwal, may pagmamay-aring maliit na parisukat. Paulit-ulit, inuulit-ulit. Papalit-palit ang maliliit na parisukat hanggang sa makabuo ng tinatawag na mundo. Malaking mundo na hugis kuwadrado.
Mundo kung saan kokontrolin ng dalawang manlalaro. Sila ang magsisilbing mga king sa laro. Sa magkabilang dulo ng gitna nakapuwesto ang king na magkalaban, kahanay nito ang mga queen, knight, bishop, at rook, na poprotekta sa king. Hindi sila maaaring maubos, sapagkat may iba’t ibang kapangyarihan sila na makatatalo at makagigipit sa kalaban. Sa harapan naman nila ang mga pawns, importante at may kapangyarihan din, ngunit hindi ito tulad ng mga nasa likod kaya sila ang unang panangga para maglingkod.
King ang pinakamataas. Ang makapangyarihan. Ang pinuno. Ang Lider. Ang Hari. Subali’t siya rin ang halos walang ginagawa, hindi nakikipaglaban tulad ng nasa baba. Siya kasi ang kumokontrol, nag-iisip at nagdidikta sa gagawin ng mga tauhan niya. Siya lang ang importante sa laro, palibhasa kapag nawala siya, tapos na ang laro.