Mukha Kang Pera
Magkano ba ang halaga ng pag-ibig?
Nabibilang ba sa bawat barya ang pagmamahal?
Maaari bang pantayan ang paggalang at pagtatangi sa bawat kalansing o sa bawat malutong na papel na dumadaan sa aking mga palad?
Ano pa ba ang kailangan kong imudmod para maintindihan mo ang malaking kawalan na hindi mapupunan ng kahit anong salapi?
Sana maunawaan mo rin na ngayon lang din ako nagkaroon ng kalayaan na bumili ng kahit anong aking maibigan; ngayon lang din nakaranas ng biyaya…
Hindi ako madamot.
Iniisip ko lang kung anong mangyayari sa hinaharap dahil sanay ako sa pagiging mahirap; dahop na nga sa materyal na bagay, salat lalo sa pagmamahal.
Sana maintindihan mo, gaya ng pag-intindi ko sa iyong kalagayan– lagi kitang inuuna.
Kailan ko puwedeng unahin ang sarili ko na hindi ako mukhang makasarili, sakto lang?
Magsasawa din naman ako.
Madali namang magsawa; madaling ibasura ang bagay na inalisan mo na ng halaga…
Gaya ng pag-iwan mo sa akin.










