pangatlo
Sarah,
Maikli lang ang buhay at walang kasiguruhan ng bukas kaya kung nababasa mo to ay marahil nasabi ko na, na gusto kita. Anuman ang iyong sagot, hiling ko lang na sa paglipas ng lima o sampung taon ay kung mababalikan natin 'to sana'y tatawanan na lang bilang magkaibigan man o kung pinalad ay higit pa dito.
Pagdating sa'yo, ang dami kong gustong sabihin pero pili na lang ang maisulat at di naman sigurado kung mabasa mo ito.
Ang sabi ko, hindi na ulit aamin - kung di kasama ang intensyon na habulin at kilalanin, higit bilang kaibigan. Ang sabi nila, at least walang pagsisisi, nasabi ang laman ng puso. Pero sa akin nandun ang posibleng pagsisisi, kasabay kasi ang posibleng pagsabotahe sa sarili, hindi nababalanse ang bugso ng damdamin. Nakakahinayang ang pagkakaibigan. Pero paano naman uusad kung hindi magtatangka? Kung hindi susugal at ipaubaya sa tadhana nang di na maging palaisipan ang lahat ng "paano kaya".
~~~
Umabot na nga ng dalawang linggo. Hindi pa rin tapos at marami pang nakaimbak na salita.
~~~
Isang buwan. Hindi pa rin matapos ang kwento. May takot pa rin sa pag-amin. Samu't saring emosyon na yata ang naramdaman. Naghihintay pa rin ng tamang pagkakataon. Kahit pagkakataon na lang, hindi naman kailangan perpekto. Ang gusto ko lang ay totoo. Malayang maging totoo sa'yo. Walang paligoy-ligoy at kung anumang gimik at drama, direkta lang sana maiparating sa'yo lahat ng totoo na laman ng puso at parating tinatakbo ng isip. Naghihintay na sa susunod na pagtunog ng selpon ay mensahe mo ang nakaabang. Maglalakad lang muna saglit at baka sakali makasalubong ko sa daan ang lahat ng hinahanap na kasagutan. Hindi na ko hihingi ng anu pang senyales, kukunin ko na lang at saka minsan pa, ipaglalaban.
Alam mo ba, sa bawat yugto ng buhay ko na ako'y nagkagusto (naipilit man lang) ay kahit papaano'y nagkaroon ng aral bawat engkwentro.
~~~
Naikwento ko na ito sa'yo ngunit kahit pahapyaw lang ay masabi ko muli, Elementary: Grade 5-6, natutunan ko na mahalaga ang tamang pag-amin.
High School: 3rd-4th year, natutunan ko na mahalaga ang tamang pagkilala at pakikipagkaibigan - hindi gusto ang ideya ko lamang sa'yo kundi kung sino ka talaga.
College 2.0 - 1st-2nd year, natutunan ko na sa pagkilala at pag-amin, nandun din dapat ang kapasyahan at intensyon - ang commitment at pagpili sa'yo sa habambuhay.
Ang punto ko lang ay sa bawat yugto na ito ay may panghihinayang ako na sana'y hindi na lang umamin at naging mas mabuting kaibigan pa, sa kabilang banda'y nagpapasalamat sa aking sarili noon at sa ilang pagkakataon ay naging matapang ako, sa pag-amin ng nararamdaman - sapat na dahilan upang maniwalang maaaring maging matapang pa para sa'yo.
















